ryumatic expressions

Miyerkules, Mayo 20, 2009

killing kristine





Chapter 1. finding kristine

Iba ang sikat ng araw noong hapon na iyon. Parang may dagdag na init, parang pinilit si Vincent na maghanap ng masisilungan. Parang itinuro siya duon sa punong iyon sa pinaka-dulong bahagi ng salansan ng mga puno malapit sa palikuran.

Malaki ang campus, libo ang mga estudyante at bihira ang tumambay sa puno ng akasyang iyon. Tila nakareserba lamang sa mga estudyanteng nauubusan ng espasyo.

Tulad ni Vince, na noong oras na iyon ay mas piniling magpalipas ng oras mag-isa kesa pumasok sa kanilang klase sa Soc Sci 1. Mayroon silang quiz ngayon pero nakapaghanda naman siya. Hindi lang n'ya alam kung makakayanan n'yang makapag-isip nang maayos katabi ang babaeng dumurog sa puso n'ya: si Leila.

Hanggang ngayon ay dala pa rin n'ya ang bigat sa loob. Hindi s'ya makapaniwalang ang maamo at mala-anghel na mukha ng babaeng halos sinasamba niya, ay makakapanloko ng ganoon. May iba pa pala siyang nobyo bukod sa kanya.

At sa huli'y siya pa ang sinumbatan dahil sa katangahan niya.

"Deal with it!" ang isinampal ng anghel na iyon sa mukha niya. Kung pumapasa lamang ang mga salita, malamang hanggang ngayon, may black-eye pa siya.

Ngayon aminado naman siya sa sarili. Tanga nga siya. Gago. Madaling maloko at maniwala. Ang kabutihan niya sa ibang tao ay nagsisilbi ring kahinaan n'ya.

Naka-upo lang si Vince sa ilalim ng lilim ng akasya. Nagmamasid sa paligid. Abot-tanaw n'ya ang iba pang salansan ng mga puno na may nilililimang mga estudyanteng hindi rin pinili ang pumasok sa kani-kanilang klase. Lover's lane ang tawag dito. At halata naman kung bakit. May kani-kaniyang kapares at walang paki-alam sa mundo. May sarili rin silang mundo. Tulad niya. Ang kaibahan lamang ay mag-isa si Vince ngayon.

Pagkalipas ng ilang minuto, nagpasya na rin siyang umuwi na lang kaysa mag-aksaya ng panahon sa lugar na iyon. Hindi rin naman maganda ang pakiramdam n'ya. Maalinsangan.

Bago siya tumindig ay may nakapa siya sa gilid ng kanyang kina-uupuan. Isang makapal na notebook na may pekeng leather na kulay itim na pabalat. Binuklat n'ya iyon para hanapin ang pangalan o anumang pagkakakilanlan. Nanlaglagan ang ilang pahina nito. Pinulot n'ya isa isa at naglalaman ang mga iyon ng samu't saring sulat. May parang tula, may mga drawings at kung anu-ano pa.

Sa pagbuklat n'ya sa ibang pahina, naging malinaw kay Vince na isa iyong diary.
Bawat pahina ay may nakatalang petsa, paglalahad ng pangyayari at sa huli'y lagda.
Kristine. May kilala ba siyang Kristine? Hindi n'ya maalala. Isinilid niya iyon sa kanyang bag upang maisoli iyon sa kung sinumang naka-iwan sa lugar na iyon. Maaaring naka-uwi na rin si Kristine, kung sino mang "Kristine" 'yun.
...............................................

Chapter 2. knowing kristine

Hating-gabi na ay gising pa si Vincent.

Nagsimula lang niyang magbuklat ng ilang pahina at ngayon nga ay halos nangangalahati na s'ya sa pagbabasa ng diary ni Kristine. Tila nagbabasa siya ng isang kwento na punong puno ng buhay.

April, 24, 2008

"Dear Diary,

.....Natapos ko na rin 'yung song ko para sa kaibigan kong si Danny. Para naman bago kami lumipat sa Cavite ay hindi n'ya ako makalimutan.....
...malungkot man ay tanggap namin na may hangganan din talaga lahat....
...masaya din ako para sa kanya. At least nasunod ko ang kagustuhan ni Daddy.

: ) Kristine
......................................................

April 30, 2008

Dear Diary,
....Maayos ang paalaman namin. Alam namin na hindi na muli kami magkikita pero, positibo ako na sa ikabubuti rin ito ng lahat. Nagustuhan n'ya 'yung kanta. Sinabayan ko pa nga ng paggigitara ang aking pagkanta...
... hindi ko na binanggit sa kanya na magpapalit na ako ng sim card. Mas mabuti na rin ang ganoon...

: ) Kristine
..................................................................
May 8, 2008
Dear Diary,
.......Nagsimula akong mag-aral mag-drawing. Simple lang muna para hindi ako mahirapan ; ) hehe...
......Mabait pala 'yung mga bagong kapitbahay, dinalahan pa kami ng pansit kanina. Kaarawan daw ng aso nila. Wirdo pala ang mga taga-rito. Haha.
: ) Kristine
.................................................................
June 6, 2008
"Dear Diary,

Ano bang inaasahan ko sa unang araw ng klase?.....
....Masaya ako buong araw. Mga bagong kaklase, bagong kakilala. Hindi ko pa man gaano kilala ang mga block-mates ko ay masaya ako sa dala nitong pag-asa. Masarap ang dala ng pag-asa ng pagtanggap. Sana'y ma-alis ko na ang pagiging mahiyain ko......

.......


Lumipas ang oras ni Vincent sa pagbabasa. Magkahalong kuryosidad, interes at aliw ang natagpuan niya sa mga pahina ng 'diary' ni Kristine. Unti-unti n'yang natuklasan ang pagkatao ng isang estranghero, na para bang kinikilala n'ya ito.

Hindi naman n'ya intensyon ang manghimasok sa buhay ng isang tao na hindi s'ya iniimbitahan. Pero paano nga ba mapipigilan ang sarili kung nabitag ka na ng pag-uusisa? May kaunti mang guilt, nagpatuloy si Vince sa pagbabasa.

Natuklasan n'yang pareho pala sila na mahilig magbasa ng mga nobela.

Natawa rin s'ya sa ilang kwento ni Kristine sa mga wirdong bagay na ginagawa n'ya. Tulad sa pagkagat ng kuko kapag kinakabahan. Ang pagkahilig niya sa sunog na sinaing, ang tutong. At ang paggugupit ng sariling buhok.

"...wala kasi akong tiwala sa mga parlor. Feeling ko mas magaling pa akong mag-ayos kesa sa kanila..." ayon sa isang pahina sa kanyang diary.

Naisip ni Vincent na masaya din sigurong kasama si Kristine. Dahil bagama't pareho silang mahiyain, tingin n'ya'y marami silang mapagkukwentuhan at mapag-uusapan.

May opinion si Kristine sa maraming bagay, mula sa mababaw, (palabas sa tv, bagong usong damit, tsismis ng mga artista etc.) hanggang sa malalim, (pulitika, relihiyon, maging sa ekonomiya.)

“… magtataka ka minsan kung talaga bang naghihirap ang Pilipinas kapag pumapasok ako sa mga Malls…”

May mga pahina din sa diary na napansin ni Vincent na tila malungkot si Kristine, pero nakakahanap pa rin ito ng dahilan para maging masaya.

"...magdadalawang buwan na ako sa block namin, pero wala pa rin akong ka-close sa kanila. Hindi ko alam bakit gan'un, sinusubukan ko naman maging malapit sa mga kaklase ko. Hindi naman ako pangit. Hindi naman ako bobo. Hindi naman ako masungit....
....buti na lang nan'dyan si crushie ko... na kahit papaano ay nginingitian ako kapag nakakasalubong niya ako... kaya kahit papaano ay nakukumpleto n'ya ang araw ko..."

Sa isip ni Vince ay unti-unting nabuo ang isang imahe. Ano nga kaya ang mangyayari kung makilala n'ya si Kristine?

Pumikit s'ya sandali at nakita n'ya, si Kristine. Mapungay ang mata,.... mahaba, hindi, maikli palang buhok... maputi o kayumanggi? siguro'y katamtaman... "umitim ata ako ng konti nitong bakasyon..."

Pero higit sa pisikal na hitsura, nabuo sa isip ni Vincent ang personalidad at katangian ng isang simple, masayahin at kakaibang babae.

"...wirdo ako in a good way, at aminado ako na ganun ako. mahirap dayain ang sarili..."

Parang kinakausap si Vincent ng mga pahina.
'Nasaan ka nga ba Kristine?' tanong n'ya sa sarili.

Ikinagulat naman ni Vincent nang mabasa niya ang kanyang pangalan.

"Mukhang malabo na akong mapansin ng crush ko... Pero, sa totoo lang, kahit maging kaibigan ko lang si Vincent, ituturing ko iyong pinakamasayang araw ng buhay ko..."

Sa loob loob ng binata ay kung s'ya talaga 'yung Vincent na tinutukoy ni Kristine at kung alam lang niya kung nasaan ito, ay hahanapin niya iyon at pag-uukulan niya ito ng pansin.

Pero nasaan nga ba si Kristine?
...

Sa pagpapatuloy ni Vincent sa pagbabasa sa diary ni Kristine, ay natuklasan niyang sa kabila ng mga masayahing akda, ay may mabigat itong dala-dala sa likod ng bawat pahina. Habang binubuklat niya ang mga pahina'y, lumilitaw ang pagkakaroon nito ng insecuridad, sa paligid na ginagalawan.

"...minsan pakiramdam ko'y sinasakal ko ang sarili ko...pinipigilan kong ilabas kung sino ako... "

Sa bandang gitna ng diary ay lumalabas din na may tendency si Kristine na sisihin ang sarili.

"...wala namang makaka-unawa sa akin, sigurado akong ngayon, wala akong tunay na kaibigan..."

Kung anuman ang suliranin noon ni Kristine ay hindi naman malinaw na binabanggit. Pero ramdam ni Vincent na mabigat ang loob ni Kristine sa halos araw araw na pagbubuhos nito ng nararamdaman sa diary.

"Today, gusto kong kausapin si Mama, para magbukas sa kanya. Pero, hindi ko kaya.. Alam kong maging sila ay tatalikuran nila ako..."

Nabagabag din si Vincent sa mga sumunod pang pahina. Minsa'y nagpapahayag ito ng galit sa sariling buhay. Ang huli ngang pahina na may sulat ni Kristine ay labis pang nagpabahala kay Vince. Naglalaman iyon ng mga frustrations ni Kristine, ang pang-araw-araw nitong paghahanap ng kakampi, ng pagtanggap.

"...I hate my life. Do I deserve this? Ayoko na, sawang sawa na ako..."




Pagbuklat ni Vincent sa isa pang pahina'y nahulog ang isang piraso ng papel.
Ang cellphone number ni Kristine.
...........



Chapter 3. wishing kristine

Unang ginawa ni Vincent pagkagising ay tinawagan nito ang numero na nakuha sa diary ni Kristine. Kinakabahan si Vincent at hindi sigurado sa sasabihin pero alam niyang kailangan niyang gawin. Kausapin si Kristine, kilalanin ito, maging kaibigan at bigyan ng bagong tiwala sa sarili at pag-asa sa buhay.

Naka-ilang ring ito, bago pa ito sagutin.

"Hello? Sino ito?" sagot ng isang lalaki sa kabilang linya.

"Magandang araw po. Ito po ba ang number ni kristine? Pakisabi na lang pong si Vincent, ahm, isang kaibigan."

"Wag ka nang tumawag dito sa numerong ito kahit kailan." Sigaw ng boses sa kabilang linya, sabay putol nito sa tawag.

Labis itong ipinagtaka ni Vincent. Mali bang nai-dial ko?

Tiningnan muli ni Vincent ang papel. Sakto naman ang numero.
Dial s'ya ulit. Hinding hindi s'ya susuko.

"Hello, pakiusap naman po, importante lang pong makausap ko s'ya." nagmamakaawang sabi ni Vince sa telepono nang sagutin ito muli.

"Wala akong pwedeng maitulong sa iyo, tigilan mo na ang kahibangan mo, dahil wala na si kristine."

"Wala na? Saan po nagpunta? Lumipat na po ba s'ya?"

"Hindi mo naiintindihan, wala na si Kristine. Kung ako sa iyo ay tanggapin mo na lang ang sinasabi ko. At wag ka na muling tumawag sa numero na ito."

"Hindi ko po talaga maintindihan."

"Patay na si kristine."

Parang gumuho ang mundo ni Vince sa narinig. Imposible ito. Hindi hindi pwede.

"Paano? Ano'ng nangyari?"

Isang mahabang patlang bago narinig ni Vincent ang tugon dito.

"Pinatay ko na s'ya" Naputol muli ang linya.

Chapter 4. killing kristine

Nanginginig ang kamay ni Vince sa galit. Hindi pa rin ito makapaniwla sa narinig noong umagang iyon. Kagabi lamang ay nabihag s'ya at namangha sa isang misteryosang babae mula sa isang diary. Tapos ngayon ay kailangan niyang harapin ang pagkamatay nito. Nang ganoong kabilis? Sinubukan niyang tawagan muli ang number ngunit paulit ulit ang kanyang naririnig.

"the number you dial is not in service.'

Totoo kayang patay na si kristine? At kung totoo man ito ay bakit aaminin nung lalaki sa kabilang linya na sa mismong kamay niya ito namatay?

Pero ano nga bang magagawa ni Vince? Alam ba niya kung anong buong pangalan ni Kristine? At sinong Kristine? Taga saan? May lumabas na bang balita na may dalagang pinatay sa bayan na iyon?

Sa loob ng silid paaralan nila'y walang laman ang utak ni Vincent kundi si Kristine, at ang sinapit nito sa kamay ng kung sinong demonyo.

Tapos na ang klase nila sa silid na iyon at ang iba'y naka-alis na rin liban sa ilan niyang kaklase.

Naputol ang pag-iisip ni Vincent nang makita niya ang isang piraso ng papel sa sahig ng classroom nila. Pinulot niya ito at tiningnang mabuti. Pinag-aralan niya ang bawat linya at nag-isip nang mabuti. Kung hindi siya nagkakamali'y ang pangalang nakasulat doon ang pumatay kay Kristine.

Sa isang sulok ng silid, ay tiningnan niya ang isang lalaking hindi niya gaano napapansin o napapagkausap. Kapag nakakasalubong niya ito'y wala siyang natatandaang napag-usapan man lamang nila. Pero nginingitian naman niya ito paminsan-minsan.

Nilapitan niya ito. Malayo pa lamang siya ay nakatingin na ito sa kanya. Tila ba alam na nito ang nasaisip ni Vincent.

" Kamusta ka na?" tanong ni Vincent sa kaklase.

Hindi ito agad nakasagot. Tumingin lamang ito sa kanya, pagkatapos ay tumingin sa bintana. Isang malayong tingin palabas. Kagat kagat nito ang kuko ng sariling daliri. Halatang kinakabahan ito.

"Kamusta na si Kristine?" tanong muli ni Vincent sa tila di mapakaling lalaki.

"Patay na siya." may luhang pumatak sa mata nito. Nanginginig din ang braso nito habang patuloy sa pagkagat sa kuko.

"Bakit ka umiiyak?"

"Wala akong choice eh, pare."

"Naiintindihan kita."

Ang noo'y maunting luha ay naging mas dumami pa. Inabutan niya ito ng panyo.

"Nahihiya ako sa sarili ko."

"Pasensya ka na. Nabasa ko ang diary niya."

Tumungo lamang ito at itinuloy ang pag-iyak.

"Huwag ka nang umiyak. We can be friends...You didn't have to kill her, but still it's your choice." Sabi pa ni Vince.

"Yeah, It's my choice."

"Hey, you know what, forget about it, you worry too much."

"Easy for you to say.It was the most difficult phase of my life, 'yung kilalanin ko ang sarili ko."

"Madami din akong problema dude, pero life goes on..."

"Yes, Kristine is a part of my past, and I will treasure her pero, it's time to look into the future. Mas gusto ko kung ano ako ngayon."

"Great, well Kristian, busy ka ba mamayang hapon?"

"Ha? bakit?"

"Di ba you know how to play the guitar , hehe, how about joining our band? Lumipat ng school 'yung lead guitarist namin eh."

Napangiti naman noon si Kristian. Ito ang unang pagkakataon na may mag-imbita sa kanya sa paaralang iyon.

Alam nila parehong simula ito ng isang magandang pagkakaibigan.

..................................................................................................
posted by ryan general at 8:38 AM

0 Comments:

Mag-post ng isang Komento

<< Home