ryumatic expressions
Sabado, Abril 25, 2009
si april at ang helmet ng pag-ibig

exam na naman bukas. siguradong babagsak ako. pwera sa Epizootiology kase tropa ko ang prof, pero alam kong babagsak ako. ilang gabi na akong puyat at ngayon ay magpupuyat na naman ako. kailangan ko kasing samahan si april tuwing gabi. s'ya ang aking one and only. at wala nang ibang makapag-hihiwalay sa amin.
mag-isa lang ako sa boarding house dati. at sinasanay ko pa ngayon ang sarili ko na may kasama. at matulog ng naka-helmet.
pagkatapos ko ng huling klase, nagising ako sa tunog ng bell. uwian na pala. hindi pala ako nagising sa eraser na ibinato sa akin ng prof kanina. hindi ko tuloy napansin agad na may chalk ako sa mukha at buhok. hay, kamusta na kaya si april, gising na siguro yun? miss ko na agad sya.
dati kaming magkaklase ni april. pero nung una'y hindi n'ya ako pinapansin. iba kase ang crowd n'ya. kahit pareho kaming vet med ang kurso, hindi kami nagpapansinan. kahit hindi naman ako nahihiyang ipakita na may gusto ako sa kanya.
s'ya yung tipo ng babae na bumabasag ng mga tipikal. maganda, matalino, at lahat-lahat na. maraming nagkakandarapa sa kanya, kahit sobrang suplada s'ya, marami pa rin ang nagtatangka, pero noo'y isa palang ang nakakapagpasagot sa kanya, yung tukmol na si derek. sya yung heartrob sa school, pero ngayon wala na sila. kaya nga masasabi kong swerte ako sa lahat.
simple lang ako. hindi gwapo, hindi talentado, madalang maligo, hehe. pero meron kasi kaming hilig pareho ni april eh, yung sobrang pursigido sa ginagawa. yung ang naging simula, nang sa tingin ko'y habambuhay naming pagsasama.
naging lab partner kami ni april, nitong umpisa ng semestre nang biglang mapatigil sa pag-aaral ang partner n'ya. tinubuan kasi ito ng kulani kung saan saang parte ng mukha. kahit hindi kami gaanong nag-uusap at palaging nakatakip palagi ang facemask n'ya kahit hindi kailangan, naisasa-ayos naman namin ni april ang aming mga proyekto. at gawain sa lab. kalimitan nga'y kahit kami na lang dalawa ni april ang naiiwan sa lab, ay pursigido pa rin siya.
isa sa proyekto naming dalawa ay pagtuklas ng isang mahusay na gamot na magbibigay pampakalma sa mga hayop. mula din ang gamot sa iba't ibang uri ng hayop at hinaluan ng konting scopolamine. sa tingin ko'y malapit na namin makumpleto ang tamang pormula. so far, ang mga test subjects ay kinakikitaan ng improvements. yung una kasi naming subok sa paghalo ng scopolamine sa gamot, ay may kakatwang resulta. yung mga daga ay mistulang zombie, nanamumula ng mata at nanunuyong balat, nagkaka-gatan pa ang mga ito ng ulo, hanggang sa makain ang utak. may natira pa nga akong isang zombie rat na nakakulong. ang matinis na pag-angil nito, ay aakalain mong, munting tigre na nakakahon.
isang gabi nang pagpapakuspakus para matapos ang isang activity, may kakaiba akong napuna kay april. iba ang ikinikilos nya at parang di s'ya mapakali. pag pasok pa lang n'ya ng lab ay nagdadabog na ito.
"shit shit shit..." maya't maya'y bulong ni april. ako naman noon ay hindi makapag-concentrate sa ginagawa ko.
"tang-ina talaga bad trip!"ako naman ay kalmado lang noon, alam ko naman na hindi ako ang kausap nya.
"demonyo demonyo demonyo!!!" sabay hampas ng mga libro n'ya sa lab table.
hindi sana ako mag-rereact, kung hindi n'ya tinamaan ang ilang hilera ko ng mga test tubes at nagbagsakan ang mga laman nito at nabasag ang ilan.
"nakupo ang project natin..." ang sabi ko lang naman, ni hindi nga ako sumigaw eh.
"pakelam ko dyan sa pesteng project na yan. dahil d'yan, sinayang ko ang oras ko! bwiset!"
"sinayang ? eh pareho nating project to?" sagot ko naman, tutal pareho naman kaming naghirap dito.
"tang-ina, kung hindi ako nagkukulong dito, sa mabahong lab na to, kasama yang mga zombie mong daga na kamukha mo, hindi sana ako na-ahas ng popok na iyon. bwiset. minahal ko si derek. mga demonyo!" binalibag pa ni april ang tray ng mga gamit sa mesa.
at yung ibang papel ng reports at mga analysis ay natapunan ng ilang likido.
"april, ..." wala akong masabi noong mga oras na iyon, halos sumabog ang dibdib ko sa pagpipigil.
si april naman ay tila lalong nagwala.
"puro ka project, " panlilibak nya sa akin " eto ba ha? eto bang pinagsayangan ko ng panahon?" sabay hagis ng mga experimental compounds na gawa namin. hindi ko na matiis noon ang sarili ko. lalo nang tinangka nyang abutin ang huling bote ng chemical.
ako nang umagaw noon. nagwawala na si april, at kailangang may gawin ako. kinuha ko ang hiringilya, at pinuno ko iyon ng gamot.
"patawad april" sabay sugod sa kanya.
sumirit ang dugo sa braso nya sa pagpalag.
pero mabilis umepekto ang gamot. unti-unti syang kumalma.
sa cabinet ng mga gamot para sa hayop nakita ko ang scopolamine, isang uri ng gamot na maraming nilulunasan kabilang na ang pagkahilo. masama daw ito pag napalabis.
agad ko s'yang binigyan ng gamot. ilang saglit lang ay nakita ko agad ang reaksyon ng gamot. niyakap ko s'ya at kinantahan nang maramdaman kong nanginginig sya.
"wag kang mag-alala, april, di ka na nila magugulo pa." mula noo'y pinangako kong aalagaan ko na sya.
.....................
nakapamalengke na ako nang dumating ako sa boarding house. sa labas pa lang ay rinig ko na ang pag-angil ni april. dapat pala ay tinatakpan ko ang bibig para di marinig ng kapitbahay. sigro'y gutom na siya.
dalawang kilong baboy ang binili ko ngayon, para kahit hanggang umaga ay may makakain sya. inilagay ko ang isang supot na karne at lamang loob sa isang palanggana at dinala sa kwarto.
"haaaarrrrrrrrhaaaaaaaaaaaarrrrrr" bati sa akin ni april. kalmado na sya ngayon.
noong una una kasi, ay kinakalmot kalmot pa nya ako. kaya naman nakagapos muna sya ngayon.
kinalagan ko ang braso nya at inihain sa lapag ang palanggana. at habang pinapanood siyang lantakan ang hilaw na baboy ay halos mangilid ang luha ko.
bukod sa konting ipinagbago ni april bunga ng gamot, gaya ng dilaw na nanunuyong balat, pulang mata, nanlulugong buhok, siya pa rin ang magandang si april na ngayo'y napamahal na sa akin.
hangga't mahal niya ako't mahal ko siya, sa tingin ko'y wala nang makapaghihiwalay, sa aming dalawa.
Mga etiketa: fiction, maikling kwento, short story
1 Comments:
cool. :)
Mag-post ng isang Komento
<< Home