ryumatic expressions

Sabado, Hunyo 06 2009

wrong sent

wrong sent
May 1

Nakangiti pa si Raimund nang dumating ito sa bahay nila. Ngiting iginuhit ng permanent ink na hindi yata mabubura. Kagagaling lamang niya sa isang date kasama ang nobyang si Alice sa Tagaytay. Pagod man ay hindi niya ito ramdam. Pasipol sipol pa siyang nag-ayos ng mga gamit niya sa kwarto. Bukas ay nakatakda siyang bumisita sa bahay nina Alice sa Nasugbu, Batangas.

Matagal na silang magkaibigan ni Alice bago pa sila maging magkasintahan. Soul mates kung baga. At bawat araw na magkasama sila ay lalong siyang napapamahal sa dalaga. At bakit nga naman hindi? Halos sa lahat ng bagay ay magkasundo sila, mula sa paboritong pagkain (meatlovers pizza) hanggang sa paboritong pelikula (Donnie Darko) ay pareho din sila. Pareho din silang kapuso at mahilig sa eraserheads. Pareho din silang nasa ikatlong taon sa kursong Development Communications sa La Salle Dasma.

Simple lang ang ganda ni Alice, na pinatitingkad ng bawat pagngiti nito pag magkasama sila. Bukod sa may sense of humor ito at masayahin, ang pagiging sweet ng dalaga ang pinakagusto niya dito. At nang magsimula nga ang bakasyon ay halos araw-araw silang magkasama. Pakiramdam naman niya ay pareho silang nag-eenjoy sa mga lakad nila.

Kaya naman laking gulat ni Raimund nang matanggap niya ang mensaheng ito ilang oras lamang pagkagaling nila sa isang masayang date:

" This is the most difficult decision I have ever made Raimund, pero I have to make it, before this destroys us even further. I know, it's not proper na sa text ko ito sabihin pero God knows hindi ko kayang sabihin ito ng personal. I have loved you more than I ever loved anyone else. Pero this, this madness has to end. I'm sorry but we have to break up. You know the reason why. And please don't try to contact me anymore. Give me the space. Leave me alone. Goodbye."

Higit pa sa isang malaking sampal ang text message na iyon sa mukha ni Raimund. Hindi niya alam kung anong gagawin. Hindi niya alam kung anong ibig sabihin ni Alice. Break up? Ano? Bakit? Anong nagawa ko? Libong tanong ang lumilipad sa isip ni Raimund.

I know the reason? Don't try to contact? Bakit? Please God let this be must a joke!

Pero hindi naman ganoon ang paraan ni Alice ng pagbibiro. Alam niyang seryoso ang mensahe. Ang tanong ngayon ay: Ano ang gagawin niya?

Napahagulhul bigla si Raimund. Parang naubus ang kanyang lakas. Nakatitig pa rin siya sa kanyang cellphone. Hindi alam ang ikikilos:tatawagan ba niya? pupuntahan sa bahay?

"..And please don't try to contact me anymore. Give me the space. Leave me alone..."

Kung ano man ang nangyayari kay Alice ay ayaw niyang palalain. Kaya't tinitigan na lamang niya ang nanginginig na braso.

Nagulantang siya nang biglang tumugtog ang kantang Superproxy habang umilaw ilaw ang screen ng cellphone niya.

Si Alice iyon.
"Hello Hon! Andito na 'ko sa boarding house! Miss you! Hehehe, ako na miss mo ba ko?"

"Ha?" ang tanging naisagot ng naguguluhang si Raimund.

"Hindi mo ako na-miss? Hahaha. Oo nga naman, maghapon tayong magkasama kanina, siguro sawa ka na sakin hahaha, Ganun ba honey ko?"

"HA? Hindi, I mean, miss na kita... Ikaw nga ang iniisip ko ngayon eh."

"Well pahinga ka na, at matulog, ako baka magbasa pa ng konti, pampaantok."

"Ha ganun ba, ahm Alice..."

"Anu yun loves?"

"Ano yung text mo sakin kanina?"

"Alin, nung umaga? Bago tayo magkita? Pinaalala ko lang po yung Vitamins mo!"

"Ha hindi yun, hindi ka ba nagtext ngayong gabi?"

"Pasensya na po, hindi ako makatext sa byahe eh, Kaya nga I called you naman 'di ba?"

"Ah ganun ba..."

"O cige na loves, sleep well na po, don't forget mahal na mahal po kita."

"Ikaw din Alice, I love you so much."

"Bat ganyan ang boses mo Raims, umiiyak ka ba?"

"Ah hindi hon, nasamid lang..."

Matapos ang tawag ni Alice ay napatitig ulit si Raimund sa cellphone niya. Napahagulhul ulit siya. Hindi niya alam kung sa tuwa o sa takot o kung saan.

Ano bang nangyayari? Guni-guni lang bang lahat?

O baka yung message ang guni-guni. Sinilip niya ang inbox.

Andun pa rin ang mensahe.

O baka yung tawag ni Alice ang guni-guni? Sinilip niya ang Call logs.

Andun pa rin ang tawag ni Alice.
May 1, 2009 09:30 pm .

Naisip niyang i-check ulit ang mensahe, baka ibang numero, o isang malaking biro.
Pero, ganun pa rin, numero iyon ni Alice.
May 7, 2009 08:25 pm

Shit.

May 2, umaga

Nagising si Raimund na masakit ang ulo. Tiningnan niya ang alarm clock. 10:35 am. Nakalimutan niya itong i-set. Pagtindig niya ay bahagyang natapilok ng mga nakakalat na lata ng Red horse beer.
Ilan bang red horse cans ang nainom ko? Naubus ko yata ang six-pack.

Nang makahilamos at mahimasmasan ay naalala niya ang lakad nila ni Alice papuntang Batangas Dapat ay magkikita sila sa Robinsons sa Pala-Pala nang 8 o'clock.

Yari. Bad trip kasi yung panaginip ko, totoong totoo. Tsaka bakit ko ga ba naisipang uminom eh may lakad ako?

Hindi na siya nagulat nang makita niya ang 9 missed calls sa cellphone niya. Lahat iyon ay galing kay Alice. May apat ding text message na bago. Tatlong pangungulit at isang sinserong pag-aalala kung napaano na ba daw siya.

"Bakit hindi mo sinasagot ang tawag ko? Nag-aalala na ko Raims. Punta ako d'yan."

Hindi pa man niya naisasara ang mensahe ni Alice ay narinig na niya ang katok sa pintuan. At ang boses ni Alice.

"Raims, Raims, nandiyan ka ba? buksan mong pinto!"

Takbo naman si Raimund sa pintuan. Pagbukas ay biglang niyakap siya ng nag-aalalang nobya.
"God, akala ko kung napaano ka na? Okay ka lang ba?"

"Ha? Oo, medyo napahaba lang ang tulog."

"Napahaba ang tulog? Nakalimutan mo bang-" Napatigil si Alice nang mapansin niya ang gulo ng boarding house ni Raimund. Kita rin niya ang kalat ng mga lata ng beer.

"Umiinom ka na naman?"

"Nagpaantok lang ako hon, di kase makatulog."

"Alam mo namang may lakad tayo nang maaga, tsaka naipangako mo nang hindi ka na iinom."

Hindi maipinta ni Raimund ang mukha ni Alice. Tama ang kanyang nobya, alam niya.
Ano nga bang pumasok sa isip ko't nakuha ko pang uminom?

"Pasensya na Alice, bayaan mo, mabilis lang akong maligo at-"

"'Wag na. Kalimutan mo na. Uuwi na lang akong mag-isa. Tutal ni hindi ka pa nga nakakapag-ayos ng damit. Hay naku Raims, balik ka na naman sa dati."

"Alice, nakapag-promise na ako kay Mommy mo."

"Buti naalala mo ngayon."

Tumalikod na si Alice at dumiretso palabas ng pinto. "Tawagan mo na lang ako kapag bumalik ka na sa normal."

Blag!

Parang makakalas ang pinto mula sa hamba nito.

Napatulala si Raimund. Kumulo ang tiyan. Kumulo ang utak.
Magpapadala sana siya ng mensahe kay Alice nang mapindot niya ang inbox.
Mula doo'y hinanap niya ang mensahe sa panaginip.

"... I'm sorry but we have to break up. You know the reason why. And please don't try to contact me anymore. Give me the space. Leave me alone. Goodbye.""

May 7, 2009 08:25 pm

Hindi iyon panaginip. Kundi isang malaking babala ng mga parating.
Shit.

May 2 pa rin, hapon

Halos 30 minuto na niyang pinakikinggan ang paulit-ulit na wirdong tugtog mula sa kabilang linya. Ito ang una niyang tawag sa customer service ng Smart. Sinunod niya ang instructions na ibinagay ng recording. Press 1, tapos press 2, tapos press 1 ulit, tapos, narinig niya ang ring, tapos, heto, paulit ulit natugtog ng wirdong tunog.

Siguro'y nagkakape ang mga agents. Nang sabay-sabay.

Natapos ang wirdong tunog. Walang sumagot ng kanyang tawag. Paano niya maipaliliwanag sa sarili ang mensahe ni Alice? Mensahe mula sa future? Bagong service ba ito ng Smart? Meron din kaya nito ang Globe? Txt from the future. Shit

Sinubukan niyang tawagan si Alice pero patay ang cellphone nito. Nagpadala na rin siya ng mga messages at paghingi ng patawad.

Kung ang mensaheng natanggap ko ay mula sa hinaharap, hindi ako makapapayag na ganoon na lamang ang mangyari. Hindi ko pababayaang magkatotoo ang text na iyon! Hindi maaaring magtapos nang ganoon lamang ang relasyon namin ni Alice.

Kailangan niyang kumilos at gumawa ng paraan. At kailangan niyang bilisan. Ilang araw na lamang ang natitira sa kanya.

Kailangan ay sumunod ako agad kinabukasan. Kung ngayon ako pupunta ay baka mainit pa ang ulo nya sa akin. Pero bukas, siguradong lipas na ang galit n'ya.

Ang problema ni Raimund ay hindi niya alam ang tirahan nina Alice. Ni hindi pa nga siya nakakarating sa Batangas. Naupo siya sa sofa upang mag-isip. Tila naman nagkusa ang kanyang kamay na kapain ang remote control ang buksan ang TV.

Rumaragasa ang boses ni Mike Enriquez. "Mga Kapuso, bukas na po ang laban ng ating pambansang kamao.Ang buong Pilipinas ay tiyak na tututok sa laban na ito na inaasahan ng lahat na magiging kapana-panabik. Pacman laban sa Hitman..."

Mukhang hindi ko ito mapapanood bukas. Malayo ang biyahe. Kailangan ay maaga akong umalis. Hindi bale ang mahalaga'y magkasama kami ni Alice. At mapigilang matupad ang mensahe na iyon ni Alice mula sa May 9.

Sawa ka na ba, sa mga hasel sa buhay mo...

"Hello Raims" si Jeric.

"Oh Jeric napatawag ka."

""Tol bukas, dito lahat ng tropa sa bahay, nood tayo ng Pacquiao Hatton. Sagot ko pagkain tsaka toma. Miss ka na ng barkada."

"Naku bro, gusto ko sana kaso, bad timing eh. Si Alice kase.."

"Bakit naman, sige na, saglit lang iyon, siguro naman maiintindihan ka nun, si Alice pa. Tsaka tingin ko naman saglit lang kay Manny iyon, baka nga round 8 pa lang bagsak na si Hatton hehe. Hindi ka na namin nakakasama 'tol. Wala ka na sa basketball sessions, heto eh once in a blue moon lang."

"Alam ko naman 'yon pare pero kailangan ko talagang sundan si Alice bukas eh. Umuwi kase ng batangas nang may sama ng loob, ayoko nang palalain."

"Ah ganun ba? So, pa-Batangas ka pala bukas?"

""Iyon nga ang problema eh, hindi pa ako nakakarating doon."

"Tol nakalimutan mo na ba si Jigs, haha."

"Hindi naman, bakit ko naman makakalimutan iyon?"

"Hindi tol, si Jigs, andito rin bukas."

"Ikamusta mo na lang ako. Hindi talaga ako pwede eh."

"Taga Nasugbu Batangas si Jigs. Kahit ihatid ka pa namin bukas."

"Talaga?" Oo nga pala ano, pero paano? Eh di ba me session kayo bukas?"

"Eh di pagkatapos! Basta pagkatapos na pagkatapos ng laban, Ihahatid ka namin. Tsaka andito kotse ni Dad. Makapag-stroll na rin tuloy sa kabukiran, hehehe."

"Ha, teka , eh ..."

"'Wag ka nang magpatumpik tumpik pa. kesa naman maligaw ka bukas. Baka lalo kang abutin ng hapon niyan.

"Sige bro, salamat, pag-iisipan ko."

"Huy gaganyan ka na naman tapos di ka sisipot."

"Sige, promise pupunta ko."

"Ayan, buo na naman ang tropa! Ayos!"

Ayan, yari na naman ako kay Alice.

Shit.

May 3

Magdamag nagmuni-muni si Raimund. Pinag-isipan niyang mabuti ang mga strengths at weaknesses ng kanilang relasyon ni Alice. Ano nga ba ang maging posibleng dahilan ng mahiwagang text message na iyon?

Wala naman silang gaanong pinag-aawayan. Lalo na ngayong mga nakalipas na buwan. Halos lahat na pwede niyang isakripisyo ay ginawa na niya para sa dalaga. Kinalimutan na nga niya ang alak at iba pang bisyo. Siya na rin ang nagkusang magbawas ng oras sa barkada, lalo pa nitong bakasyon para mapaglaanan ng panahon ang nobya.

Napaisip pang lalo si Raimund.

Hindi kaya't may third party? Hindi naman siguro, sa loob loob niya. Kilala niya si Alice, hindi nito magagawang- Pero, alam niyang hindi rin imposibleng mangyari gayong umuwi ito sa Batangas nang hindi siya kasama. At taga-roon din si Bernard, ang dati nitong kasintahan.

Magdamag nagpaikot-ikot ang isip ni Raimund sa mga posibilidad, hanggang sa makatulog siya.

Pero 5:30 am pa lamang ay gising na siya muli at kinakausap ang sarili sa salamin.

Carpe diem, Raimund! Gawin mo ang lahat nang iyong magagawa para sa 'loves' mo. Dahil ikababaliw mo kapag nawala siya sa iyo... Isipin mong nakabuti na rin ang natanggap mong mensahe dahil at least, na-warningan ka na. Sayang ang ka-gwapuhan mong iyan kung mapunta lamang sa kung sinong engot si Alice.

Planado na ng binata ang gagawin sa maghapon: Pagkagaling sa Trece Martires, magpapahatid siya sa kaniyang tropa, diretso sa Nasugbu. Hindi muna niya tatawagan si Alice upang masurpresa ito. Bitbit ang paboritong kalamay na pasalubong, luluhod siya sa nobya at hihingi ng tawad at mangangakong hindi na magpapakagago.Naisip niyang magdala rin ng bulaklak, na hindi pa niya nagawa sa dalaga, para ipakitang sinsero ito.

Lahat ay magiging maayos, masaya ang lahat. Happy ending, ika nga.

7:30 am nang makapaligo at makapag-ayos si Raimund. Positibo ang kanyang pakiramdam. Excited na siyang makasama ang nobya. Excited na rin siyang makasamang muli ang barkada. Tamang tama pa at makakapanood siya ng boksing.

Suot ang paboritong maswerteng T-shirt at bitbit ang backpack na puno ng ilang araw na pambihis, pasipol-sipol na lumabas ng boarding house si Raimund.

...
9:12 am, Barangay Osorio, Trece Martires City

Kumpleto nga ang barkada nang dumating si Raimund: sina Matt, Andrew, Vince, Jigs at Jeric, pati na rin sina Janet, Layla at Angie ay naroon din.

Nagluluto sa kusina ang mga babae habang nanonood naman ng mga undercards sina Jeric.

"Wag mo kaming intindihin Lemon, hindi namin kilala ang mga iyan, si Manny lang ang panonoorin namin." ang katwiran ni Angie nang imbitahan sila ni Raimund sa sala.

"Uy Angie, Lemon Lemon ka d'yan, iba nang girlfriend ni Raimund, haha." kantyaw ni Matt. Alam ng lahat na iyon ang tawagan nila bilang endearment noong sila pa ang magkasintahan.

"Haha, Oo nga pala, sorry, hehe I stand corrected. Hindi na nga pala ako ang Angel n'yan ngayon. Sorry! OA ka talaga Matt kahit kelan."

"Ok lang 'yan Angie, kahit may HD ka pa kay Raimund, sarapan mo na lang iyang luto mo para sa aming lahat. Huwag mo lang lalagyan ng gayuma ha." dagdag na kantyaw naman ni Jigs.

"Wag kang umasa. Baka lason pang ilagay ko dito. Hehehe. May Baygon ba kayo dito Jeric?"

Sa ganoong kantyawan at biruan, ay piniling tumahimik na lamang si Raimund at magkunwaring abala sa panonood. Hindi niya kailangan ang ganito ngayon, sa loob loob niya.

"Raims, O!", hagis ni Jeric ng bote ng San Miguel.

Tiningnan muna ni Raimund nang sandali ang bote sa kamay bago naka-react. "Hindi pwede 'tol, me lakad pa ko mamaya."

"Eh di wag mo damihan, isang bote lang 'yang hawak mo, bro, di ka mahahalata d'yan"

"Hindi naman sa ganoon pare, -"

"Pinalambot ata ni Alice ang tuhod ng Lemon ko hahaha." sabad naman ni Angie.

"Hindi sa ganoon, Angel, bibyahe pa rin kasi-"

"Uy, Raimund, Angel, Angel ka d'yan, 'di ka pa umiinom eh nakakalimot ka na. Hahaha." si Janet naman ang nangantyaw.

Namula ang pisngi ni Angie. Napabukas naman ng beer si Raimund.

Shit.
...........

Nakaka-limang beer na si Raimund nang bumagsak ang French-Canadian na si Benoit Gaudet sa ika-9th round. Nagsasasayaw si Humberto Soto sa screen nang mag-una-unahan sa CR ang mga lalaki.

Nakahain na sa lamesita ang sari-saring pagkain nang bumalik sina Raimund. Naunahan na rin sila sa sofa nina Janet.

At dahil sa una si Raimund nakabalik sa mga lalaki, nakasiksik pa siya ng pwesto sa masikip na sofa.
Sa tabi ni Angel. Este, ni Angie.

Nakasalansan naman sa mga silya sina Jeric. Inilakas ni Layla ang TV, nang ipinakilala na si Hatton.

"Booooo!" sigawan ng mga babae. Nakangisi naman ang mga lalaki. Si Raimund naman ay naaaliw sa reaksyon ng mga kaibigan.

"Mahilig lang kayo sa boksing kapag si Manny ang may laban. Haha."
"Wag kang maingay d'yan Lemon, baka i-uppercut kita."

Kahit paano'y naaliw din siya muli kay Angie, na tila walang ipinagbago, mula noong magbreak sila nung freshman year.

"Angel, pustahan tayo, Knockout ni Hatton si Manny sa 10th round. I mean, mabilis si Manny at malakas and all, pero tingin ko Ricky can handle him."

"Sure, anong bet?"

"If I win, sama kang maghatid sa akin sa Nasugbu."

"Ha? Layo ah, hehe ...Yun lang ba?... Ok fine, sure naman ako na talo ka. Pag si Manny manalo, hahatid mo ko sa boarding house.

Dahil sa sigurado si Raimund sa size advantage ni Hatton ay nakangiti siyang tumango kay Angie.

Hindi pa natatalo ang sikat na Briton sa weight division na light-welterweight. Kayo talagang mga babae, walang alam sa boksing. Samantalang unang laban ito ni Pacquiao sa ganoong division.

Natuwa rin naman si Raimund sa ideyang mas makakasama pa niyang matagal si Angie sa biyahe. Para naman makapag-kamustahan din sila. Go Hitman!

11:29 am. Bulagta sa canvass si Ricky "the Hitman" Hatton.

Nagkagulo ang buong bahay ni Jeric sa sigawan ng buong tropa. Nagsayawan pa ang mga lasing. Napayakap naman sa tuwa si Angie kay Raimund. Napayakap naman si Raimund kay Angel. Nagkatinginan sila ng mahigit sa isang segundo.

Shit.

May 3 hapon

Sa tuktok ng mataas na gusali, may tinatanaw sa malayo si Raimund. Nakatayo siya sa may bingit ng bubungan. Sa malayo, ay kitang kita ang isang dambuhalang robot na naghahasik ng lagim sa siyudad.

"Anong gagawin natin?" Tanong ni Angie, na noo'y may kakaibang bihis. Naka-costume ito na parang two-piece na swimsuit. May munti rin siyang korona na may bituin sa gitna. Bukod sa bituin na iyon ay may dalawa pang bituin sa costume ni Angie.

"Hoy Lemonman saan ka nakatingin?"

"Ha? Angelgirl?"

"DKNY!"

"Ano?"

"D... ko na yan! Andun ang halimaw, doon ka tumingin"

Pag lingon ni Raimund natanaw niya si Alice, nadakip ito ng higanteng robot na may ulo na parang cellphone. May logo rin ito sa noo na hugis mansanas.

"Magbabayad ka iRobot! Humanda ka! Alice! Andyan na ako!" Sigaw niya sabay talon mula sa tuktok ng building.

"Nyaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaah" bulusok paibaba si Raimund.

Ngunit bago pa man lumapat at magkadurog-durog sa kalsada ang katawan ni Raimund ay nasalo ito ni Angie at iniangat s'yang muli paitaas.

"Hindi ka nakakalipad Raimund. X-ray vision ang kapangyarihan mo!"

"Ha? Ang jologs naman. Pero, salamat sa pagkakaligtas mo sa akin. Thanks for catching me."

"Ilang ulit ka na bang bumagsak? Ilang ulit na ba kitang sinalo?"

"Haha Hindi ko na mabilang. Pero, Oo nga pala, X-ray vision nga pala ang power ko."

"So?"

"Kaya pala hindi stars ang nakita ko kanina nung tinitingnan ko 'yung costume mo."

"Ulul. Ganon pala ha." Walang anu-ano'y binitiwan ni Angelgirl si Lemonman.

Bulusok ulit ito paibaba. "Ngaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaa! Angel Angel help meeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeeee!!!"

Pero wala na si Angel girl. At ang costume nitong may 3 stars.
Diretso si Raimund paibaba.
Blag! Masakit ang likod buhat sa pagkakahulog ni Raimund. Masakit pa ang ulo, Nagpalinga-linga ito sa paligid. Sa sofa pala siya nakatulog.

"Buti naman at gising ka na. At bakit sinisigaw mo ang pangalan ko?" Nakapamewang si Angie. Hindi na ito naka-costume ngayon.

"Wala, bangungot."

"Sus, Angel-angel, Help-help ka d'yan. Bumangon ka na at ihatid mo na ko."

"Ha, sumama ka na lang kaya sa amin. Teka asan ba sina Jigs?"

"Ayun nasa kwarto sila nina Jeric, tulog na tulog. Andami niyo ngang nainom, hanggang ngayon mukhang lasing ka pa nga."

"Ang ganda mo ngayon Angel"

"Tingnan mo, lasing ka nga."

"Hindi mo ba nami-miss ang dati mong bestfriend? Sigurado akong sabik ka na rin makita ni Alice."

"Well, ako, I want to see her again, siya, I don't think so. She called earlier."

"Ha? Kelan? Ano sabi? Ano sabi mo?"

"Ha, I said, tulog ka, dahil nakainom ka ng konti. Ayun biglang nag-hang-up."

"Shit, yari talaga ako n'yan. Sobrang yari" Kinuha ni Raimund ang cellphone at tatawagan sana si Alice. Naka-off na ang phone nito.

"Sinubukan ko na iyan kanina pa para magpaliwanag."

"Bakit mo kase sinagot?"

"Ba, malay mo sobrang importante. Tsaka sampung beses ko atang narinig yang Superproxy na kalakas-lakas! Magpalit ka na nga ng ringtone."

"Patay na talaga ako, kailangan ko ng puntahan si Alice." Tumindig si Raimund, pero pasuray suray ito. Pagkahakbang ng konti, ay bumagsak ito.

"Sige nga sabihin mo sa akin kung paano."

"Hindi mo kasi, naiintindihan."

"Takot na takot ka ke Alice, para namang hindi noon maiintindihan na nakipag-inuman ka kasama ang barkada mo dahil may laban si Pacquiao! Dali daling intindihin."

"Mahabang kwento."

"Sige, i-kwento mo sa biyahe, text ko na lang sina Jigs mamaya para dun ka na lang nila daanan sa boarding house. Talo ka sa pusta remember? You owe me!"

"Tara."

....

4:40pm.

Maliit lang ang mga silid sa boarding house ni Angie. Dati'y apat silang magkakasama dito nina Janet, Layla at Alice. Pero nang makahanap ng mas malaking kwarto para sa sarili ay lumipat na ang bestfriend niya. Kailangan daw nito ng space. Pero iyon na pala ang huli nilang pag-uusap. Iyon pala'y sila na ni Raimund. Dalawang linggo, pagkatapos ng break-up nila ng binata.

"Home sweet home!" si Raimund yun, pagkapasok pa lamang sa boarding house nina Angie.

"Haha, tagal ko nang hindi naririnig 'yan."

"Well dati-rati araw araw ako rito, nakaka-miss din pala."

"Paano inuubos mo laman ng ref."

Pasuray suray pa rin si Raimund papuntang kusina. Sumilip sa ref. Walang beer.

"Langya Lemon, tinulugan mo na ko sa biyahe, groggy ka pa rin."

"Alam mo bang hindi ako natulog kagabi? Dahil d'yan sa bestfriend mo! Asan ang beer?"

"O s'ya matulog ka pa, gigisingin na lang kita pagdating nina Jigs. At walang manginginom dito."

"Da best ka talaga Angel. Dati pinu-puno mo ng sanmig 'yung ref ah." Diretso naman ang lasing na binata sa kwarto ni Angie

"Dati 'yon! Hoy hoy san ka pupunta?" Habol ng dalaga kay Raimund, na noo'y nakalugmok na sa kama.

"Home sweet home." nasambit niya bago mapapikit.

Noo'y may isang luha na matagal na nangilid bago bumagsak sa pisngi ni Angie. Sinundan pa ito ng mangilan ngilan bago niya pinahid.

So far away doesn't anybody stay in one...

"Hello?"

"Hello Angie, asan si Raimund, kasama mo ba? Anong oras daw ang lakad?" Si Jigs.

"Bukas na lang daw siya tutuloy. Puyat na puyat eh."

"Hindi ako pwede bukas Angie, baka masisante ako sa trabaho, ngayon lang ako free."

"Sige, ako na lang sasama sa kanya bukas, para mabisita ko na rin si Alice.

"Cool, ok, pakisabi na lang kay Raimund, pasensya na."

"No prob."

Hindi kayang pabayaan ni Angie na bumyahe ang kanyang Lemon na lasing ang driver.

Sasamahan ko na lang si Lemon bukas kina Alice, ipapaliwanag ko ang lahat, makikipag-kaibigan muli sa kanya, at aalisin na sa isip ang pakikipagbalikan sa ex.

Binuksan niya ang inbox ng kanyang cellphone. Hinanap ang mensaheng natanggap niya mula kay Raimund dalawang araw na ang nakakaraan.

"Angie, I have realized something in the past few days. I know this is stupid. i know it's the craziest thing you'll ever hear pero. I still love you. There is no sense in hiding or denying it. Ano man ang maging reaction mo after this, I'll take it up like a man, But you'll forever be my angel no matter what."
-Lemon
May 7, 2009
5:30 pm

Isang mensahe mula sa hinaharap. Na nitong mga nakaraang araw ay bumagabag sa kanya.
Labag sa kalooban pinindot niya ang delete button. Hindi ito ang tamang mensahe para sa kanya.

At lalo pa ngang nabasa ang pisngi ni Angie.

Shit.

May 3, gabi

Naghihilik pa si Raimund.

Tulad nang nakagawian ni Angie nitong mga nakaraang gabi, naka-upo na naman siya sa may tukador, kung saan naka-upo si Bogart, ang malaking asul na teddy bear. Kaharap ang isang munting kahon ng mga samu't saring ala-ala ng nakaraan.

Nakaraan, na pilit niyang kinalimutan nang higit sa isang taon. Nakaraan, na ngayon ay muling kumakatok sa puso niya.

Kung ibang tao ang titingin, ay mga bagay na pangkaraniwan lamang ito. Pero para sa kanya, simbulo ito ng pinakamasasayang araw niya sa campus.

Naroroon ang ilang mga sulat, greeting cards at maliliit na bote ng pabango na may lamang sulat sa loob.

Tuwing bubuklatin niya ang mga sulat sa kanya ni Alice, ang kanyang dating bestfriend, lagi siyang naaaliw. Sila ang perfect pair, ika nga. Mayaman si Alice, mahirap lamang si Angie. Maganda si Alice, pangkaraniwan lamang si Angie. Ang lamang lamang ni Angie ay ang pagiging matalino nito sa loob at labas ng klase.

Naalala pa ni Angie nang sabay silang mag-apply ni Alice noon sa Heraldo Filipino, ang opisyal na payahagang pang-campus ng De La Salle sa DasmariƱas. Nakapasa siya rito, samantalang bagsak naman si Alice sa written exam pa lamang.

Sa loob naman ng klase, siya rin ang kopyahan ni Alice. At minsa'y taga-gawa ng homework. Mas naging close sila nang lumipat si Alice sa maliit nilang boarding house. Inako nito ang mas malaking share sa upa. Sinuklian naman ito ni Angie sa pag-tutor sa kanya sa ilang subjects.

Napapangiti na lang si Angie kapag binabasa niya uli ang mga lumang sulat ni Angie na punu'm puno ng grammatical errors. Kahit papaano nama'y nag-improve na s'ya siguro ngayon.

Inipon niya ang lahat ng sulat ni Angie at inilagay sa bukod na kahon.

Ang mga natira'y mga greeting cards, post-it notes, maliliit na bote ng hugo boss na ang laman ay mga munting sulat mula sa isang secret admirer.

Kapag binasa mo naman ang mga laman ng notes, ay mga simpleng "hi", "hello" at "thinking of you" lamang naman ang laman. Ang mga sulat sa bote naman ay mga love poems sa isang misteryosong "dayap" lang ang nakapirma.

Dayap? Akala yata ni Raimund noon ay lemon ang dayap.

Torpe si Raimund noon. At natatandaan pa niya kung paanong namumula ito pag nilalapitan niya at kinakausap.

Noong magsimula ang mga sulat, ay alam na niya kung kanino ito nagmumula. Obvious naman kase ang sulat-kamay at siyempre yung pabango na gamit ni Raimund noon ay Hugo Boss.

Kapag binabasa nila ni Alice ang sulat ay kinikilig siya, habang si Alice naman ay na-kokornihan dito.

Hindi rin tipo ni Alice ang amoy ng Hugo Boss at noon ngang maging close din sila ay nakumbinse niya itong magpalit ng CK one.

Matagal pa bago naging magnobyo sina Angie at Raimund. At hindi niya malilimutan ang gabing iyon noong Freshman night. Kung saan niyaya siyang makipagsayaw ng binata, at sa kalagitnaan ng huling tugtog ay nagtapat ito sa kanya.

Hindi siya sumagot ng "Oo". Hindi niya kaya. Iyakin si Angie, at noong narinig niya ang pinakahihintay niyang sandali, ay para bang sasabog ang dibdib niya.

Halik ang isinagot niya dito. Isang halik, na para bang nagpatigil sa oras at nagpatahimik sa lahat. Maging sa noo'y tumutugtog sa awit ni Carol King, "So far Away". Wala siyang narinig kundi ang kabog ng dibdib nilang dalawa.

Perfect na sana ang gabi, kung hindi lamang nahilo noon si Alice at nagyaya agad umuwi, kahit alas-nuebe pa lamang.

Hindi man perfect, ay memorable ito para sa kanya.

Si Bogart naman noo'y tila nakatitig kay Angie. Kinuha niya ito at niyakap. Hangang makatulog ang dalaga sa silya.

May 3, 11:30 pm

Bumangon si Raimund na masakit ang ulo. Napansin niya agad si Angie na yakap-yakap ang asul na teddy bear.

Buhay pa pala si Bogart.

Nilapitan niya ang noo'y natutulog na si Angie.

"Gel, gel, gising baka mahulog ka diyan..." marahan niyang niyugyog ang dalaga.

"Oh, gising ka na, tulog ka pa, maaga tayo bukas. Dito lang ako, may tatapusin pa ko eh, buti ginising mo ako."

"Tatapusin? Ano ba yan ha?" Akmang aagawin ni Raimund ang kahon ni Angie pero mabilis niya itong naisara at nayakap. Aksidente namang nahulog si Bogart.

"Uy ang baby natin, Bakit mo hinulog?"

"Excuse me?" sabay pulot ni Angie sa teddy bear."Baby ko lamang 'to, FYI, single mom ako ni Bogart. Wala kang karapatan." biro pa ng dalaga.

"Excuse me din po, pero pinag-ipunan ko yata 'yan." sagot naman ni Raimund. "Ilang araw din akong hindi nag-lunch niyan."

"Hoo, wala lahat silbi 'yun, ako ang nagpalaki't nag-aruga sa kaniya. Pinabayaan mo lang si Bogart. Wala kang kwentang Ama." biro lamang iyon pero tumama ng husto kay Raimund.

"Oo nga." Napaupo naman siya sa silya.

"Pero miss ka na nito. Amuyin mo, dali. " Iniabot ni Angie ang teddy bear kay Raimund.

"Hugo Boss? Haha Naalala ko yung pabango ko noon."

"Paborito ko din 'yun kala mo. 'Yung bago mo, eeeewwwww, amoy safeguard lang eh."

"Ha? Inaamoy mo ba ako ngayon? Hahaha."

"Hindi no? Amo'y beer ka Lemon, maasim ka pa sa dayap!"

"Haha, dayap? naalala mo pa 'yun?"

"Sya nga pala, tumawag kanina si Jigs, eh tulog na tulog ka, di na kita inistorbo."

"Gising pa ako noon, narinig ko usapan niyo."

Medyo natahimik si Angie sa narinig. Narinig din kaya niya ang paghikbi ko kanina?

"Angel, may pagkain ba?"

"Naku, Hindi ako nakapagluto eh, sorry Lemon ha."

"Bukas pa ba 'yung Burger Machine 'dun sa kabilang kanto?"

"Haha, naalala mo pa 'yun? Hindi ko alam, hindi na 'ko nabili dun no, may 7-11 n kaya sa malapit."

"Gusto ko dun, eh, just like old times 'di ba?"

"Sure, why not? Basta balik tayo ng maaga, may biyahe pa tayo."

Bago umalis ay kinuha ni Raimund si Bogart at kinarga iyon na parang may dalang baby.

"Sama ko ito ha?"

"Sure."

...

Isang sunog na hamburger, isang sansrival at dalawang hot chocolate nga ang lumipas, balik sa boarding house ang dalawa. Parehong pagod at inaantok, parang automatic silang sabay na bumagsak sa kama.

Ilang minuto pa'y pareho na silang nakatulog, magkatabi ngunit hindi nagdidikit. Malapit at malayo sa isa't isa. Malakas na muli ang paghilik ni Raimund.

Nagising si Angie sa tunog ng kanyang cellphone.

So far away, doesn't anybody stay in one place anymore...

"Hello?"

"Angie, si Alice 'to-" biglang napatigil ng pagsasalita si Alice nang marinig ang malakas na paghilik. Kilala niya ang ganoong kalakas na hilik.

"Alice..."

"Si RAIMUND BA 'YAN?"

"Hey sis, it's not what you think it is, He was drunk and..."

"He was drunk and ano? what did you do? Bitch!"

"Hey, Alice, wait here me out..."

"Shut the fuck up. I don't want to here anything." hang up ulit si Alice.

Hindi kailanman inasahan ni Angie na darating sa ganoon. Hindi rin niya alam kung may mali ba siyang nagawa. Perfect na sana ang gabi...

Shit.

May 4

Naalimpungatan si Raimund sa tila umiiyak na si Angie.

"Angel? Gising ka pa ba?"

Ngunit walang sumasagot. Tumigil din ang narinig niyang manaka-nakang pagsinghot.

"May vicks vaporub ako sa backpack, kung may sipon ka..."

"MATULOG KA NA!"

"Angel may problema ba?"

"Wag mo nga akong matawag tawag na Angel! Matulog ka na at wag mong dagdagan ang sakit ng ulo ko!"

"I'm sorry."


...


4:30 pa lamang ay nakabihis na si Angie. Si Raimund naman ay noon pa lamang nagkakape.

"Kahapon mo pa suot 'yang T-shirt na 'yan. 'Di ka man lang nagpapalit." Nakataas ang kilay ni Angie, sa T-shirt na ineregalo nya noong birthday ni Raimund. Peach shirt na may mukha ni John Lennon sa likod.

"'Lam mo naman na ito ang lucky shirt ko eh. Ayoko ngang palitan ngayon para swertehin naman ako kay Alice."

"Baka kaya ka minamalas eh."

"What do you mean? Today is a new day! A great day! And I am positive, everything will work out just fine."

"At least optimistic ka."

"Why not? I am planning on a simple but great date. We'll go out together, for a pizza, meatlovers paborito n'ya 'yun di ba? Tapos watch a movie, I brought her favorite DVD. "

Meatlovers? Kelan pa naging favorite ni Alice 'yun? She said she hated it! Hmm, favorite movie... let me guess...

"Donnie Darko?" hula ni Angie.

"Yup, pare-pareho tayo ng favorites di ba?"

Seriously? Ni hindi nga naintindihan ni Alice ang kwento 'nun. She called it stupid and boring!

"Ha? uh oh Oo nga naman. Lam mo, i-try mo kaya ang high school musical trilogy para lalo kayong magkasundo."

"Ow naman, Nagpapatawa ka ba? Eh di nakatulog lang ako nun. tsaka hindi type ni Alice 'yun."

"Sus, maligo ka na nga, you're starting to stink."

"Hey Angie about dun sa kanina..."

"Ano? kalimutan mo na 'yon, puyat lang ako kaya ganoon."

"I'm sorry ulit."

"Alam mo Raimund, 'yan ang pinaka-ayaw ko sa 'yo, Puro ka sorry! For a change, start owning up to your mistakes and be like a man. Face the consequences. Darating ang time, di ka na masasagip ng sorry mo!"

"Ha? Ah, eh..."

"Ano?!?!?"

"Sorry."

Shit.

.........








May 4, umaga

Sa loob ng bus papuntang Batangas ay pinilit ni Angie na abalahin ang sarili sa pakikinig ng music sa kanyang cellphone.

Si Raimund naman ay walang tigil ng pagsasalita.

"Sana'y dinala mo si Bogart para kahit papaano ay may mayakap ka sa biyahe."

"Don't worry about me, ang problemahin mo ay si Alice."

"Oh, don't worry about her, Alam ko nang gagawin ko, this will be a great day!"

"Good for you."

"What are you listening to?"

"Nothing that would interest you."

"C'mon Angie, Dati-rati'y parehong pareho ang taste natin sa music."

"Like what?"

"Alternative Bands, Brit pop, ganun, mga Eheads, The Blur type ng music."

"Nu ka ba Raimund, first year pa 'yun no? I've outgrown them na. People change you know."

"That's not true, people only change when they choose to change. Tsaka pag importante sa iyo ang isang bagay, may maiiwan at maiiwan sa iyo 'yun kahit papaano. When we love something, it tends to stay inside of us, 'di ba?"

"Talaga lang ha?"

"Yes, and besides, 'di ba paborito mo ang With a smile?"

"Well, I have told you, I've outgrown that phase."

"Bakit naman si Alice, 'di nagbabago."

"Na?"

"We still listen to old eraserheads albums."

Talaga lang ha? "Nagustuhan" lamang naman ni Alice 'yun nung ikwento ko sa kanya ang lahat ng mga favorites mo.

"Yeah right. S'ya sige na, Let me listen to my music, gisingin mo na lang ako sa may terminal. Last stop nito Nasugbu. "

"Ang korni mo naman. Ano ba kasi 'yang pinakikinggan mo?" Sabay agaw ni Raimund sa isang earphone ni Angie.

...One more song about moving along the highway
I can't say much of anything that's new...

"Ano 'to? Jologs naman."

"'Di mo alam 'yang kanta na 'yan?"

... But if I could only work this life out my way
I'd rather spend it being close to you...

"Teka parang pamilyar nga eh."

"Di ba sabi mo kanina , 'Pag importante sa iyo ang isang bagay, may maiiwan at maiiwan sa iyo 'yun kahit papaano. When we love something, it tends to stay inside of us...'

...But you're so far away
Doesn't anybody stay in one place anymore...

"Oo, parang naalala ko na."

"Well, that song stayed with me..."

...It would be so fine to see your face at my door
But it doesn't help to know that you're...

"Oo nga, eto 'yung song na sinasabi sa akin ni Alice, pero ibang version 'yung pinarinig niya, sakin, kina Bamboo."

"Ha?"

...So far away
Yeah you're so far away...


"Right. Alala ko na, she said this song was playing when she fell in love with me. Hindi naman n'ya sinasabi kung saan o kelan. Weird kase, parang ang dating ng song ay malapit sila pero magkalayo, or magkalayo sila pero parang magkalapit lang. Parang ngayon..kami.. 'di ba?"

"She fell in love with you that same night? Of course that was a memorable night for her..."

"Ha? kelan ba 'yun?"

"Remember the night you said you love me? This song was playing..."

Noon bumalik sa ala-ala ni Raimund ang lahat. Dalawang taon ang nakakaraan. Paano nga ba n'ya malilimutan?

Nang magkaroon siya ng lakas ng loob na magtapat kay Angie. Ilang red horse ba ang ininom niya noon para maamin kay Angie ang nararamdaman niya?"

Ang mukha ni Angie, ang suot niya noong gabing iyon, ang kanyang ngiti, paano ba niya malilimutan?

Ilang araw ba siyang nagpraktis sa harap ng salamin sa sasabihin? Ilang oras ba siyang tumindig sa harap ng salamin para maging perpekto sa gabing iyon?

Perpekto na sana ang gabi, lalo na ng tanggapin ni Angie ang pag-ibig niya.

"Alam ko Raimund, alam ko ang nangyari noong gabing iyon nang ihatid mo si Alice sa boarding house."

"Angie..." Naalala rin ni Raimund...

"Hell, alam ko LAHAT ng nangyari. She even told me the details. But I pretended not to. I tried to make the relationship work." Noon nagsimula ulit pumatak ang luha ni Angie.

"Lasing ako nun... God, I'm so sorry..."

"'Yun ang inisip ko, for weeks, I tried to show you all the love I can..."

"I'm sorry Angie..."

"Goddamnit Raimund! I don't need your sorry. Not now, not ever..."

"How did I let it all happen?"

Sa labas, nagsimulang pumatak ang ulan. Iyon ang unang ulan ng taon.

"First rain of May Raimund. Hope it brings us good change."

"Angie..." noo'y hindi alam ni Raimund kung ano ang sasabihin, ano ang mararamdaman. Pero sa unang pagkakataon, naalala niya. Naalala n'ya kung bakit n'ya minahal si Angie.

"Ipangako mo lang sa akin na aalagaan mong mabuti ang bestfriend ko."

Hindi na sumagot si Raimund, napatulala lamang ito sa labas, sa ulan, at kung paano nito sinusubukang linisin ang lahat.

Si Angie naman ay nakayuko, pilit pinupunasan ang hindi maubos na luha. Naramdaman niya si Raimund na umakbay sa kanya. At ang paghimas ng binata sa braso n'ya.

Gusto niyang umiyak sa mga balikat ni Raimund. Gusto niya ngayon ng pagbabago.

Kung totoong, people change if they choose to, how can you change something kung wala kang choice?

Shit.

May 4, gabi


Nakatulala si Angie sa kisame. Kahit pagod sa biyahe at puyat noong nakaraang gabi ay hindi pa rin siya dinadalaw ng antok. Abala ang isip niya sa maraming bagay. Alam niya kung gaano ka-komplikado ang kanyang buhay ngayon.

Si Raimund at Alice, na nasa kabilang kwarto lamang ang laman ng kanyang isip. Nagpapakasaya na sigurado ang dalawa.

Dalawang taon na ang nakakaraan mula nang maghiwalay sila ni Raimund. Matagal na proseso ang pinagdaanan niya upang makalimot. Pero napagtagumpayan na naman niya. Limot na niyang lahat iyon kung tutuusin. Napatawad na niya si Raimund. Naunawaan na niya si Alice. At higit sa lahat ay naipahinga na niya ang sarili.

Ginawa niyang abala ang sarili sa napakaraming bagay. Pinaligiran niya ang sarili sa marami pang kabarkada. Pinag-ukulan niya ng panahon ang mga bagay na naisantabi niya noon. Ginawa n'ya ang lahat, para kahit papaano'y mabawasan ang sakit na naramdaman, noong gabing magpa-alam si Raimund at humingi ng espasyo.

"I need a little space" sabi noon ni Raimund."It's not your fault, Medyo na-ooverwhelm lang ako sa mga bagay, It seems all so sudden for me."

Alam na ni Angie ang ibig sabihin noon. Hindi naman siya bobo para hindi maunawaan ang ibig sabihin ng dating nobyo. Alam na rin niya na hudyat iyon ng katapusan ng pagkakaibigan nila ni Alice.

Hindi naman siya nagalit ni minsan sa binata. Hindi rin siya nagtanim ng sama ng loob. Pero malaki ang disappointment niya rito. Inakala niya noon na ang torpe at duwag na si Raimund na nagtapat sa kanya ng pag-ibig sa pamamagitan ng ilang bote ng beer, ay tutubuan din ng tapang balang araw. Inasahan niyang anumang problemang harapin nila noon ay may isang magtataguyod para sa kanila.

Tanggap ni Angie na kahinaan din niya ito. Pareho sila ni Raimund na mahina ang loob. Madaling mabola, madaling maniwala, madaling masindak ng pagkakataon.

Kabaligtaran sila ni Alice. Na anumang gustuhin ay kayang-kaya nitong makuha. By hook or by crook ika nga. Malakas ang loob ng dating kaibigan at matatag ito sa anumang laban.

At ngayon ngang gabi'y si Angie pa rin ang talunan.

Malamang sina Alice at Raimund ngayon ay masayang muli sa piling ng isa't isa.

Pero maging siya ay nagtataka, bakit hindi na siya lumuluha ngayon. Naubos na ba ang luha niya sa bus ilang oras na ang nakakaraan?

Ang unang ulan ng Mayo. Napangiti siya sa sarili nang maalala niya. Pinagbago ba siya nito?
Pinatigas na kaya nito ang puso niya?

Pero hindi naman patas kung ako lamang ang tinablan nito. Dapat kaming lahat!

Hindi naman siya mapaniwalain sa pamahiin, pero naniniwala siyang hindi naman masamang umasa. Ang masama lamang ay paasahin ang sarili.

Bumangon siya sa malaking kama at pinagmasdan ang kwarto ng kuya ni Alice. Sa laki nito'y halos mas malaki pa ito sa bahay nila sa Alfonzo, Cavite.

Hinanap niya ang remote control ng AirCon at upang hinaan ito. Pero imbis na humina ang lamig ay tila bumukas ang pader at lumabas mula roon ang isang dambuhalang flatscreen TV.

At walang anu-ano'y napuno ang screen ng mga malalaswang eksena mula sa isang x-rated na pelikula. Napagulantang din siya dahil sa biglang pag-ingay ng paligid. Malakas na mga ungol at daingan mula sa palabas ang pumuno sa silid. Naghihihiyaw ang babae sa screen habang nakikipagtalik sa dalawang lalaki.

Napatulala siya sa pagkagulat sa palabas na biglang bumulaga sa kanya.

Sa kabila ng ingay ng TV, ay narinig niya ang malakas na katok sa pintuan.
"Angie, Angie, buksan mo ang pinto!" sumisigaw na si Raimund mula sa labas.

Dali-dali namang kinapa ni Angie ang control ngunit hindi niya alam kung ano ang tamang pipindutin. Una'y, nagpalipat-lipat ng palabas, ngunit pareho rin ang tema, tapos ay lumakas at humina naman ito. Habang si Raimund naman ay patuloy sa pagkatok.

Sa pagkatuliro'y natsambahan din ng dalaga ang switch off button ng TV.
Tahimik muli ang silid. Liban kay Raimund na sumisigaw pa rin sa labas.

"Angie, Angie!"

Nang buksan niya ang pintuan ay parang matatawa si Angie sa hitsura ni Raimund. Bakas sa mukha nito ang pag-aalala.

"Anong nangyayari? Bakit ka nagsisisigaw? Nananaginip ka ba? God, akala ko kung napaano ka na!"

"I'm fine, nagising na ako. I had a really bad dream." palusot pa ni Angie.

"Ok, ang lakas kasi ng sigaw mo eh, di ko lang maintindihan if you were crying o ano. Buti nagising ka."

"Oo nga. Thanks for waking me up, Anyway, balik ka na sa kwarto n'yo, baka hinahanap ka na ni Alice dun."

"Uhm, wala si Alice eh, dinaanan ng mga friends n'ya dito for a night-out. Hindi niya matanggihan eh."

"Ba't di ka sumama?"

"Ayoko nga, all-girls eh, ma-oop lamang ako dun. Nagpalusot na ako sabi ko pagod ako sa biyahe."

"Ah, ba't di ka pa matulog?"

"Di nga makatulog, kanina pa ako nagpapaantok nung marinig ko na nag-aaangil ka."

Di napigilan ni Angie na mapangiti sa sinabi ni Raimund.

"Bakit?"

"Wala, gusto mong pumasok?" alok ng dalaga.

Dumiretso agad si Raimund sa silid. Napa-iling naman si Angie.

"Anong palabas sa TV?" tanong ni Raimund.

"HA? ah eh, sira eh, walang reception, kanina ko pa nga sinusubukan eh."

"Nasaan ang remote? Subukan ko." Nagpalinga-linga si Raimund sa paligid hanggang sa matanaw ito sa ibabaw ng kama.

Shit.

May 4 hatinggabi

"C'mon girl, wipe that stupid frown off your face!" si Cassandra, childhood friend ni Alice.
"I just don't feel great leaving my boyfriend tonight na dapat sana ay kami ang magkasama ngayon."

Halos isang oras pa lamang sina Alice sa bahay nina Cassie ay halata na ang pagkainip nito. Napagkasunduan nilang magkaroon ng simpleng gabi ng kwentuhan, tawanan at kantahan. Matagal na silang hindi nagkikita kasama pa nang ibang barkada noong high school at mukhang mahaba pa ang gabi para sa kanila.

"Kanta ka na lang for us Alice, "udyok naman ni Jean, na noo'y may hawak na baso ng alak. "Labas mo kasi yung videoke mic Cassie".

"No, I'm really not in the mood. I'm sorry guys, if I'm ruining our mini-reunion."

"What has happened to you?" si Stella, "You were the life of the party, way back then, ngayon, you don't drink, you don't smoke, hell you won't even touch a damn mic!?! Nag-aalala na ako sa 'yo n'yan friend."

"I think I may be too harsh on him."

"Aren't we all? Ganoon talaga pagmahal mo ang isang tao, magiging protective ka to the core. Pero you should also give him some space."

"Maybe, OA na nga rin ako minsan. And I don't give him the credit he deserves. Alam ko din naman ang mga efforts niya."

"Mas madami kang effort Alice ha, in fairness, haha, look at you now Miss Conservative Ek Ek, ni ayaw mo ngang sumama for some bar hopping, kaya nagtityaga tayo dito sa barong barong nina Cass." si Julie, na noo'y nagsasalita habang may ka-text. "No offense Cass ha, ayaw mo kasi ipagamit yung jacuzzi n'yo eh. hahaha."

"He's the right guy for me, tama lang 'yun na magpaka-disente ako 'dun sa tao."

"Pina-paimpressan mo yata kami ngayon Alice ah, dami mong words of wisdom ah, san mo nakuha yan, ke confucius?" si Stella, pangatlong baso na.

"Sino 'yun? Bakit s'ya Confucius? nakakalito bang sinasabi n'ya?" si Julie, na noo'y may bago nang ka-text.

"I learned a lot from my bestfriend, you know..." tugon ni Alice.

"Langya, bestfriend pa rin ang tawag mo dun?"

"'Yun ba 'yung bitch? Ha Alice? Naku pag nakita ko 'yun, I will show her.. "

"No, kilala ko naman si Angie, she isn't like that. I trust them both, napraning lang ako kahapon."

"Are you sure she isn't?"

"99.9 percent sure."

"Ok fine, sinabi mo eh... Pero Alice, just a piece of advice..." huminto muna si Stella parang effect.

"Ano?"

"Keep her away from him. Alam mong may 00.1 percent chance she's a bitch, and minsan it's more than enough to ruin any relationship."

Napatingin si Alice kay Stella, na nakangiti pa habang tinutungga ang ika-apat na baso ng alak.


...

"Ibigay mo na kasi 'yang remote control para matingnan ko kung may problema." Noo'y nagtataka si Raimund kung bakit inagaw iyon ni Angie. At ngayo'y pilit itinatago sa likuran nito.

"Sira nga po 'yung TV. atsaka wala pati ako sa mood manood." habang tinatanggal nito ang baterya sa remote.

"Hey, kailangan mo bang gawin 'yan?"

"Mahirap na, baka agawin mo pa eh." sabay hagis sa labas ng bintana ng dalawang AA batteries.

"Panalo ka na naman. Hay naku Angel, -"

"HEY!" nandilat ang mga mata ni Angie sa narinig.

"Angie, I mean, panalo ka na naman Angie!"

"Better."

Napatameme na naman si Raimund. Parang biglang nag-iba ngayon si Angie. Hindi n'ya maipaliwanag kung ano mismo ang ipinagbago nito, pero tila mas matapang na ito kaysa dati.
Sinubukan niyang ibahin ang usapan.

"Still, dun sa kanina, sa bus..."

"I'd rather not talk about it."

"Sure pero I owe you an-"

"I SAID NOT TALK ABOUT IT. NOT NOW, NOT EVER."

"Ok..." Napahiya na si Raimund magsalita. Pakiramdam niya'y lahat ng sasabihin at gagawin niya ay magiging mali lamang sa paningin ng dalaga. Tumalikod na ito, at humakbang papunta sa may pinto, palabas ng silid.

"You're a spineless piece of ............... EWAN!" hindi na napigilan pa ni Angie ang sarili. "Duwag ka Raimund! I hate myself for loving you, for caring, for anything I ever did for you! I hate myself! Because you are not a man! You are a coward!" Ngayo'y wala na ang luha ni Angie, pero nanginginig pa rin ang braso nito, sa galit, sa frustration, sa panghihinayang.

Umalingawngaw sa tenga ni Raimund ang mga huling sinabi ni Angie. Duwag. Duwag nga ba s'ya? O nagiging matapang lang s'ya sa kauna-unahang pagkakataon?

"I made a big mistake Angie, and God knows, if I could turn back time, I wouldn't have done what I did. Pinahalagahan ko sana ang relasyon natin. Hindi sna ako nagloko. God knows, If I have a choice.....no, I won't even say it..."

"Raimund...Damn you." hindi na pinigilan ni Angie ang mga mata sa pagluha. Pumatak ito kasabay sa pagtanggap sa sarili ng katotohanan.

Nilapitan ni Raimund ang dalaga. At niyakap ito. Upang itago na rin ang sariling luha.

"Angie, I don't want to commit the same mistake now. She loves me so much. Tulad mo noon."

Hindi na nagsasalita si Angie. Alam na nito ang desisyon ni Raimund.

"I don't want to keep hurting people who love me. This is my way of showing you, na nagsisisi ako sa mga kasalanan ko sa 'yo."

Kumalas sa pagkakayakap ang dalaga. At tumingin ito kay Raimund. Ito na ang huling pagkakataon.

"Angie..."

"Shut up Lemon." Isang halik mula kay Angie at tumigil muli ang mundo. Tumahimik ang lahat. Pumayapa. Napakapit tuloy ng mahigpit si Raimund sa braso ng dalaga.

Sa ganoong pagkakataon, kung kailan tahimik ang lahat at nakatigil ang mundo, hindi na mapapansin ang anumang ingay sa paligid. Maging ang pagbukas ng pinto sa silid, ng isang sindak na nobya.

"Raims..?" Si Alice.

Shit



May 5, Umaga

Para sa maraming tao, ang umaga na nagdadala ng bagong pag-asa ay sumusimbulo ng pagbabago. Kung saan ang pagsikat ng araw ay naghuhudyat ng pagkakataong umahon sa kadiliman, at magdala ng panibagong liwanag.

Pero sa umagang iyon ng Martes, walang araw na matatanaw. Kung kailan dapat sumisikat ang araw ay bumubuhos naman ang malakas na ulan, na sinasabayan pa ng nakabibinging kulog, at nakasisilaw na kidlat. Madilim ang langit noong umagang iyon.


Si Angie, na noong nakaraang gabi ay gumawa ng isang bagay na matagal na niyang gustong gawin. Ang iparating sa taong minamahal ang kanyang nararamdaman. Sa isang paraang hindi niya inasahang magagawa niya sa pagkakataong iyon. Lalo pa't maayos na ang lahat sa kanila ng kaibigan. Lalo pa't humingi na nang paumanhin ang dating kasintahan. Lalo pa't ang pagkakataong maayos na para sa lahat ay higit na mas mahalaga para sa kanya, kaysa sa sariling kagustuhan.

Binago siya marahil ng unang ulan ng Mayo, naisip pa niya. Habang pinapanood ang patuloy na pagbuhos sa labas, pinahanga niya ang sarili sa kakayahan niyang malampasan ang magdamag na hindi niya iniyakan ang huli niyang aksyon.

Kung handa man siya o hindi sa mga posibleng mangyari ay hindi pa niya tiyak. Hindi na sa kanya nakasalalay iyon sa kanya, sa loob-loob niya. Hindi rin niya pwedeng iasa sa pag-ulan at pagtila sa labas. Isang tao lang ang may kakayahang makapagpabago ng lahat.

Umaga, sa kanyang pagmumuni-muni, ay sumuko rin ang mga mata ni Angie at nakatulog ito, matapos ang magdamag na digmaan ng mga puso.
....

Si Raimund, matapos ang kakaibang naganap noong nakaraang gabi, ay panatag na noong umagang iyon at nakahinga na ng maluwag. Ipinaliwanag niya nang maayos ang mga naganap. Humingi siya ng tawad at ng ikalawang pagkakataon sa nobya. Nangako siyang lalong pagtitibayin ang pagsasama.

Tinanggap lahat ni Raimund ang ibinatong paratang sa kanya. Ngayon lang siya nakaranas matawag ng kung anu-anong bagay, pero tanggap niya iyon, kasama iyon sa kanyang pagsisisi. Kasama iyon sa pagbabagong buhay. Ang mahalaga ay maisaayos ang relasyon.

Napagdesisyunan niyang kalimutan na si Angie. Marahil nalilito lamang siya nitong mga huling araw. Maaaring ang takot niyang maging mapag-isa ang nagpalapit muli sa kanila ni Angie. Maaari ring dinadaya lamang siya ng sarili niyang isip at puso. Si Alice ang dahilan kung bakit siya naroroon sa Batangas. At kung magiging matapang siya, tulad ng nais sa kanya ni Angie, paninindigan niya ito. Isip ang dapat pairalin niya ngayon, hindi puso, naisip pa niya.


...

Si Alice, noong gabing iyon ay tila nawalan ng lakas nang masaksihan ang nobyo na nakayap kay Angie at magkalapat ang mga labi. Ilang segundong delubyo iyon para sa kanya. Sa hina ng kalooban bunga ng pagkabigla ay napaluhod ito sa may pintuan. Tahimik na pumatak ang luha, habang paulit-ulit na binanggit ang pangalan ng minamahal.

Bumalik sa ala-ala niya iyong gabing iyon ng freshman night. Habang pinanonood ang tila parehong eksena sa sayawan. Ramdam niya ulit ang sakit. Pero tila mas pinasidhi pa ito ng katotohanang noo'y isa lamang siyang tahimik na tagahanga ni Raimund. Ngayon ay sila ang magnobyo.

Maaaring gumaganti lamang si Angie, sa isip ni Alice ay naka-move on na ito kay Raimund at ang lahat nang ito ay isang malupit na paghihiganti.

Tanggap niya ang kasalanan niya, dalawang taon na ang nakakaraan, at pinagsisihan na niya iyon. Pero kaya niya bang palampasin ang sakit na ito ngayon, pagkatapos niyang tanggapin muli ang kanilang pagkakaibigan?

Buong madaling araw siyang sinuyo ni Raimund. Alam nito ang kahinaan niya. Bukod sa malambing ito at sinsero sa pagsasalita'y marunong itong tumanggap ng pagkakamali. Halos ilang oras tumagal ang pagbubuhos niya ng galit kay Raimund at tinanggap niya ito nang may pagsisisi. Humingi ito ng tawad at nangakong kalilimutan na si Angie.

Alam niya na na kahit papaano'y dapat din niyang bigyan ng ikalawang pagkakataon si Raimund. Ang mahalaga ngayo'y magkatabi sila, at yakap-yakap siya nito.


...
Si Terrence, ang kuya ni Alice ay nagpasyang umuwi sa kanilang resthouse sa Batangas noong umagang iyon. Ubos na ang allowance nito, at hindi pa nakakapag-wire ng pera ang kaniyang mga magulang. Tiyak siyang nawili ang mga ito sa kanilang summer trip at nakalimutan na naman siya.

Hindi naman sapat ang kinikita ng kanyang banda sa Maynila para masuportahan ang kanyang buhay binata/estudyante. Kulang pa sa pang-gas kung tutuusin. Paano na ang kanyang luho, at ang gabi-gabing party at barhopping? Talagang pakiramdam niya'y napabayaan na siya ng magulang.

Sa pagpasok niya sa gate ay tila mga katiwala lamang ang kanyang namataan.

Ayos, solo ko ang bahay, makakapag-imbita ako ng bebot nito mamaya, hehehe, pero ngayon kailangan munang magpahinga.

Napapapikit na siya noon sa antok. Puyat at pagod, hindi na niya nakuhang kumain ng agahan. Dumiretso ito sa silid at bumagsak sa kama, hindi napuna ang todo bukas na aircon at ang hubog na likha ng natataklubang kumot.
...
Si Angie naman na noo'y biglang nadaganan ay tinamaan ang likod at naipit ang braso.
...
Aray.

Shit.


May 5 hapon
8:30 am

Buong lakas na itinulak ni Angie ang lalaking dumagan sa kanya. Napagulong ito at nahulog sa kama.

Blag!

"Aray!" si Terrence noo'y nakalupagi pa rin sa sahig.

"Walanghiya ka bastos!" sabi ni Angie sa 'di pa namumukhaan na lalaki. Pero ilang segundo pa'y naisip din kung sino iyon.

"Angie? Ikaw ba 'yan? Nananaginip yata ako?"

"Terry? Ay sorry po, naku nasaktan ka ba?"

"Oo, lagapak mukha ko sa sahig eh. Anong ginagawa mo dito? Ba't di ka 'dun sa kwarto ni Alice? May sleepover pala kayo." Namumula ang pisngi ni Terrence sa pagbagsak sa sahig.

"Ha? Ah eh, Nagkatampuhan kasi kami kagabi, kaya lumipat na muna ako ng tulugan. Pasensya ka na ha." Namumula rin ang pisngi ni Angie, hindi n'ya alam kung paanong sasagot sa mga tanong ni Terrence.

Habang tinitingnan ni Terrence si Angie ay napuna nito ang malaking ipinagbago ng dalaga mula ng huli silang magkita nito ilang taon na ang nakakaraan.

"Buti napapagtyagaan mo ugali ni Alice, haha, matagal na rin kayong magkaibigan ano?"

"Ha? oo nga." Noo'y nag-iisip na si Angie ng paraan kung paano tatapusin ang usapan bago pa nito mabuko na nasa kwarto ni Alice si Raimund.

"Angie, ha, anlaki ng ipinagbago mo, hehe, kaka-impress ah. Anong balita dun sa makulit mong suitor dati?"

"Sino? Para namang isa lang ang suitor ko noon."

"'Yung parang nerd na nagpapadala sa iyo ng mga weird na sulat sa bote, imbis na makipag-usap sa 'yo ng personal."

"Ah si Raimund ba..."

"Oo 'yun, di mo pa ba sinasagot?"

"Ay naku pwede ibang topic."

"Mukhang broken hearted ka Angie ah."

"Mahabang kwento eh."


Tanong ng tanong si Terrence at sagot naman ng sagot si Angie, pero ang isa sa kanila ay may binubuong plano.
...

2:50 pm

Malakas pa rin ang ulan. At madilim ang langit. Dapat sana'y nag-aasikaso na si Alice ng party na itinakda niya nang araw na iyon.

Pero tanghali na nang magising sila ni Raimund. Habang kumakain ng 'agahan' sa hapon ay iniiwasan nilang pag-usapan si Angie. Kahit pa pareho silang nagtataka na hindi pa ito bumabangon mula sa kwarto.

Pagkatapos kumain ay minabuti ni Alice na maupo sa sala at manood ng TV habang si Raimund naman ay nagsabing maliligo muna.

"Ate, pahingi nga po ako ng juice." tawag ni Alice sa maid sa kusina.

Ilang saglit pa ay dumating ang katulong dala ang inumin.

"Salamat."

"Ah nakita n'yo na po ba 'yung kuya niyo? Dumating po siya kanina galing Maynila." sabi ng maid.

Nagulat si Alice sa narinig at muntik nang mapabuga ang iniinom na juice. Delikado kapag nakita ng kuya niya na may lalaki sa bahay.

"Naku ate, baka sinabi n'yong andito boyfriend ko?"

"Ha? hindi, wala namang tinatanong , at saka, dire-diretso naman po sa kwarto niya eh."

Shit.

Noo'y naalala niya si Angie. Walan isip-isip na napatakbo si Alice papunta sa kwarto ng kapatid.

Ngunit nagulat siya nang makita niyang wala roon si Terrence. Wala rin doon si Angie.

"Umalis po sila kanina pang umaga, akala ko po ay alam n'yo. Dala po 'yung BMW" malakas na sabi ng katulong.

Hindi alam ni Alice ang magiging reaksyon. Kilala niya ang kapatid at kung gaano ito kahilig sa babae. Alam din niya na type ni Terrence si Angie kahit noon pa. Ang hindi niya maisip ay kung saan nito balak dalhin si Angie. At kung bakit niya ito napasama.

Sa isang banda ay nag-aalala si Alice sa kaibigan pero sa isang banda'y naisip nitong paraan na ito para makaganti sa nagawa ni Angie kagabi.
.....


4:35 pm

"...inaasahan pong ang bagyong si Askad ay nakatakdang dumaan sa Pilipinas ngayong Huwebes, umpisahan na po nating maghanda..."

Habang nanonood ng telebisyon ang dalawa ay hindi naman maalis si Angie sa isip ni Raimund. Sa isip niya'y hindi pa rin ito lumalabas sa silid at ipinag-aalala niya ito.
Puna naman ni Alice sa kilos ng nobyo na tila hindi ito mapakali. Hindi niya naman masabi na isinama ng kuya niya kung saan si Angie. Sa huli'y hindi rin nakatiis si Raimund.

"Ano kaya kung silipin mo si Angie sa taas, hindi pa kumakain 'yun simula kahapon."

Nakahanda na sa sagot si Alice: "Ha, ah eh, umalis na nga pala si Angie. Kanina pang umaga, sa maid lang nagpa-alam. Umuwi na daw ng Cavite."

"Ha? " Gulat namang sagot ni Raimund. Hindi niya inaasahan na basta na lamang uuwi si Angie.

"Baka na-guilty." dagdag pa ni Alice.

Naisip ni Raimund na baka nga minabuti na lang ng dalaga na umuwi, dahil sa nahihiya siya kay Alice sa ginawa nito kagabi.

"Ayaw mo ba nang ganito, mas magkakaroon tayo ng privacy?" bulong ni Alice kay Raimund sabay halik sa pisngi nito.

Noo'y tinitimbang pa ni Raimund ang gagawn. Minasdan niya ang labas at hindi naman siguro delikado bumyahe sa ganoong panahon. At least hindi pa bagyo. Mabuti na rin siguro iyon para mabawasan ang tensyon sa dalawa nila ni Alice.

Tutal si Alice naman talaga ang ipinunta niya sa Batangas. Upang isa-ayos ang naka-peligrong relasyon. Saka na lang niya kaka-usapin si Angie, sa loob-loob niya.

"Halika sa kwarto Raims, may surprise ako sa 'yo." Tumindig si Alice at tinungo ang silid nito.
Parang robot namang tumindig si Raimund at sumunod sa imbitasyon ng dalaga.

Nang madaanan ni Raimund ang silid ng kuya ni Alice, ay hindi nito naiwasang sumilip sa puwang ng bahagyang nakabukas na pinto. Itinulak pa niya iyon ng bahagya nang may napuna siya sa 'di kalayuan.

Ang bag ni Angie ay naroon pa, nakapatong sa isang lamesita sa tabi ng kama.

Nagsisinungaling si Alice.

Shit.


May 5

Sa biyahe pa lamang noong umaga ay sinusubukan na ni Angie i-text si Alice ngunit hindi siya makapag-send. Napansin siya ni Terrence.

"Hindi ka makaka-send ngayon, May bagong service kasi na itetest ang smart sa Thursday, ina-update nila ang system."

"At alam mo 'yan dahil?"

"Dahil nanonood ako ng TV."

"Terry, 'wag mo ko masyadong biglain mamaya."

"Bakit naman."

"First time ko pa lang eh."

"Hahaha, ilang taon ka na ba? Third year college ka na ah."

"Eh, basta."

Alam niyang kailangan niyang makatext o tawag man lang kaagad kina Alice at Raimund. At ngayon nga'y mukhang nakakahalata na si Terrence.


5:00 pm

Sinubukan ni Raimund i-dial ang cellphone ni Angie ngunit hindi ito nag-riring. Kinabahan na noon si Raimund at binuksan nang tuluyan ang pintuan ng silid at hinanap si Angie roon.

"Raims, halika na bilis!" tawag ni Alice mula sa silid nito. "Ano ba kasing ginagawa mo d'yan?"

Noo'y pumasok din si Raimund sa kwarto ni Alice. "Nasaan si Angie?"

"'Di ba nga't sinabi ko na sa 'yo..."

"Wag mo na akong lokohin. Naroroon pang bag niya sa kabilang kwarto."

"Raims, please, forget about her, babalik din 'yon."

"Goddamnit, Alice, I'm going to ask you one more time..."

"Bakit ba alalang-alala ka 'dun sa babaeng 'yon ha? Hindi na bata 'yon, kaya na niyang intindihin ang sarili n'ya!"

"Nasaan si Angie!" Napasigaw na noon si Raimund.

"Kasama ni kuya."

"Ha? Sinong..? Bakit..? ...Anong sinasabi mo d'yan?"

"Nakita nung maid lumabas silang dalawa, wala akong alam kung saan nagpunta, baka nagdate o kung ano, alam mo naman 'yung ex mo, malandi."

Sa sobrang galit ni Raimund ay muntik na niyang nasampal noon si Alice. Naka-amba na ang kamay niya, ngunit napigil niya ito sa huling sandali.

"Aba Raimund, sasampalin mo ako? Dahil saan? Dahil ke Angie?"

"Tell me kung saan sila nagpunta."

"Ba, malay ko, ba't di mo tawagan? Malay mo nasa motel na 'yun ngayon."

"Tawagan mo ang kuya mo bilis, dalian mo."

"What the hell is your problem? Let them be!"

"Goddamnit Alice ikaw na ang mismo ang nagkukwento kung gaano ka-manyakis yung kapatid mo!"

"Well, eh 'di bagay na bagay sila!"

...

"Hoy, baka akala mo eh naloloko mo ako?" nakataas pang isang kilay ni Terrence.
Sa dating bahay nina Alice, sa bayan ng Nasugbu, nakaharap sa TV si Angie, nanonood ng Back to the Future sa HBO.

"Shhh. 'wag kang maingay, malapit nang matapos."

"Bah, niyaya mo ako dito, sabi mo gusto mong maglabas ng sama ng loob, tapos..."

"Terry naman ang gulo mo eh. Wait lang..." Iniingatan ni Angie maging matapang ang boses, kailangang siya ang may control ng sitwasyon.

"Eh hindi mo naman ginagalaw 'yang beer mo eh, ako pa-anim ko na ito."

"Hehehe, sabi ko naman sa 'yo, eh first time ko lang 'to."

"Daig na daig ka ni Alice."

"Hindi po talaga ko umiinom."

"So, anong balak mo? Balik na tayo ng rest house? Baka nag-aalala na si Alice."

"No, no, ahm, gusto ko talagang maglasing eh, hmm, ano bang masarap sa beer, yoko kase ng chcken. Hehe, no offense po sa luto mo."

"Hay naku, kanina pinagluto mo ako, kaya tayo nagtagal eh."

"Hehe, sensya na, order ka kaya ng pizza."

"Let me guess, Meatlovers?"

"No, I hate it. Kahit ano lang po 'wag lan 'yun"

"Ha? ah ok."

...

Tinawagan na ni Alice sa landline ang ilang kaibigan ni Terrence ngunit walang makapagsabi kung nasaan ito. Halata sa nobyo niya na alalang-alala na ito sa kalagayan ni Angie. Doon niya naisipang tumawag sa landline ng bahay nila sa Nasugbu.

"Ilang beses ko na nga palang nahuli ang kuya sa bahay. Try ko tumawag dun." sabi pa ni Alice, tila sinusubukan ang reaksyon ni Raimund. Lalong tila sasabog na sa galit ang kanyang nobyo.

....
Habang busy sina Terrence sa pag-order ng pizza...

"... one extra large supreme, extra toppings..."

Hindi naman maka-konekta ng tawag sina Angie.

"Busy ang linya eh, parang hinang 'yung phone." Tila nag-alala rin si Alice.

"Puntahan natin bilis." Si Raimund noon ay galit na galit na. Kinakabahan na siya.

Napaano na kaya ang Angel ko?

Shit.
...


May 5, gabi

Sa bahay nina Terrence ay patuloy ang kwentuhan nilang dalawa ni Angie.

"So talagang hindi mo na itutuloy 'yung drama mo? Kala ko ba gagawin mo akong ate Charo?"

"Sabi ko naman sa 'yo pag nalasing ako eh."

"Ngek, para mo na ring sinabi na ayaw mong mag-share ng saloobin. Alam mo gumagaan ang burden kapag shine-share."

"Alam ko 'yun, pero, may mga bagay na hindi mo maiintindihan dahil lalake ka."

"Sus, ganun ba 'yon?"

"Yep, at may tendency kang maging bias dahil nature n'yo na 'yun."

"Bakit dahil sexist ako?"

"Hindi naman. Wala lang.... Haha, huli kita ano?"

"Ano?"

"Kala mo sasabihin ko, OO, tapos ibabalik mo sa akin ang pagiging sexist!"

"Hahaha, ano ka ba psychic?"

"Hindi, sexist."

"For me, I understand it. I mean, 'yung pagiging sexist ng ibang babae, parang defense mechanism n'yo na 'yan eh, lalo na kapag vulnerable kayo."

"Hahaha, ikaw yata ang psychic eh."

"Hindi, sexist din akong tulad mo..."

............................

Si Alice ay nagkulong sa kanyang silid. Isang selda, para sa kanya bunga ng nararamdamang pag-iisa. Isang selda ng isang napakalaking preso.

Pinabayaan niya ang nobyo na hanapin kung saan man naroroon si Angie. Hindi pa rin niya mahagap sa sarili ang nararamdaman.

Ito ba'y pagkamuhi kay Angie dahil sa atensyong binibigay sa kanya ni Raimund nitong mga huling araw?

Ito ba'y pagka-inis kay Raimund dahil sa tila walang pagpapahalaga nito sa kanilang relasyon?

Hindi kaya't galit din siya sa kanyang sarili dahil hindi niya makuhang intindihin ang damdamin ng iba?

Tiningnan ni Alice ang isang mensahe sa kanyang inbox. Noong una'y hindi niya ito binigyan ng pansin dahil tila kalokohan lamang ang laman. Natanggap niya ang mensahe noong May 1, ngunit may petsa itong May 7. Wala siyang pinagpapakitaan pa noong kakaibang mensaheng iyon. Tungkol iyon kay Angie, at sa darating na Huwebes.

Dalawang taon na ang nakakaraan, nang magsimula ang relasyon nila ni Raimund ay tinapos din niya ang pakikipagkaibigan nila ni Angie. Bagama't sinasabi noon ni Angie, na ayos lamang sa kanya at kaya niyang tanggapin ang mga nangyari, si Alice na mismo ang nagpasyang umiwas sa dating kaibigan.

Naniniwala si Alice na bagama't pinahahalagahan niya ang pagkakaibigan nila, ay maaaring maging mitsa iyon ng relasyon nila ni Raimund.

Pero ngayon nga, pagkatapos ng ilang taon, muling bumabalik sa eksena ang kanyang kaibigan. Alam niyang sa huli'y mayroong masasaktan sa kanila.

Papayag ba siyang siya ang lumuha sa huli?

Si Raimund ang kanyang mundo. Ang pagmamahal na natanggap niya mula sa binata ay higit pa sa lahat ng natanggap niya.

Ang mga magulang niya, na kahit kailanman ay hindi nagkaroon ng oras para sa kanya. Ang kanyang kuya, na may sariling mundo. Ang kanyang mga "kaibigan" na kasama niya sa karangyaan ay hindi niya mapanghahawakan sa panahon ng hirap at sakit.

Tulad ngayon. Kung kailan kailangan niya ng kaibigan na mahihingahan ng sama ng loob. Kung kailan ang yakap ng nobyo ay labis na magpapagaan sa kanya. Kung kailan lalong nakakapanghina ang pag-iisa.

Pero sa panghihinang iyon ay nakahanap pa rin siya ng lakas para tumindig mula sa pagkakahiga sa kanyang kama. Binuksan niya ang isang drawer sa kanyang tukador. Doo'y kinuha niya ang isang cutter. At tiningnan ang hitsura ng sarili sa harap ng salamin hawak ang patalim.

Hindi iilang beses dumating sa ganoong pagkakataon si Alice. Sa totoo'y nagsasawa na rin siya sa ganoong eksena. Pakiramdam niya'y isa siyang duwag tuwing ibinabalik niya ang cutter sa drawer at hihigang muli sa kama upang doon mag-iiyak.

Tiningnan niyang muli ang sarili sa salamin, parang sinusuri kung gaano siya katapang.

....
Habang lumalakas ang bagyo sa labas, ay humahaba naman ang usapan nina Angie at Terrence.

"It all boils down kung sino ang mas importante sa 'yo eh, 'yung kaibigan mo, o 'yung guy!"

"Bakit kailangang ganun ang choices, hindi ba posibleng pareho?"

"Pwede rin, kung kaya mong magsakripisyo."

"Paano kung ilan taon na kong nagsasakripisyo at gusto ko naman ng pagbabago?"

"Well, alam mo, etong sasabihin ko sa 'yo, bunga ito ng konting experience ko sa mga relationships ko."

"Well?..." naiinip pang sabi ni Angie

"If, for some reason, you love or like someone, and it doesn't work, forget that person for a moment. Kalimutan mo muna..."

"Gaano naman katagal 'yung moment na 'yun?"

"One week, one month, three months, one year...Kung hanggang katagal mo kayang tiisin.
Doon mo malalaman kung anong value niya sa 'yo, when you look back and think about that person again."

"So, you mean, I should pursue this guy again kase, two years na eh, and I still care for him."

"Bakit? Kinalimutan mo ba s'ya the whole time?"

.....

Sa isang kalyeng hindi pamilyar kay Raimund, nakahinto ang sinasakyan nilang kotse. Puno ng sasakyan ang daan papuntang bayan ng Nasugbu at bahagya ang pag-usad ng mga ito. Hindi rin nakatulong ang malakas na ulan at ang hindi kumikibong driver.

"Manong malapit na ba?" ang pang-ilang ulit nang tanong ni Raimund sa driver nina Alice.

Hindi naman umiimik ang driver dahil halata naman na hindi pa sila nakakalayo sa kanilang pinanggalingan.

Napadungaw siya sa bintana, manaka-nakang bumubulong ng mura at pagsusumpa sa kapatid ni Alice.

....

"Antagal naman ng pizza..." halatang gutom na si Terrence, na noo'y nakatulala lang sa TV at manaka-nakang nanonood.

"Mukhang mahihirapan 'yung delivery boy, baha yata sa labas."

Noo'y natapos na ang pinapanood ni Angie na Back to the Future.

"Haha, wow, ang galing naman ng movie na 'to." si Angie na noo'y napilit din ni Terrence umpisahan ang pag-inom ng beer.

"Oo nga, parang feeling ko eh, parang masarap mag-time travel."

"Bakit? May babaguhin ka ba about your past?"

"Hmm, wala naman about my love life, kase eh, pagdating sa ganyan, importante rin 'yun na sa ganitong stage, alam na natin kung paano masaktan. Kaya, lahat ng mga pinagdaanan kong heartaches eh hindi ko babaguhin. Kasi, 'di ba pagtanda natin mas malupit ang life."

"Ikaw me heartaches? C'mon. 'Di ba heartrob ka sa school n'yo?"

"Ba, mahirap 'din maging gwapo kala mo?"

"Sus, naniwala ka naman..., eh seriously, anong gusto mong baguhin?."

"'Yung relationship ko sa sis ko, I mean, we both grew up hardly knowing our parents, lagi kaseng busy sina mom at dad, alam mo naman sa politics 'di ba? So 'yun, I guess, dapat we would've been a lot closer. Sometimes, I would look at her, she looks so depressed, I want to talk to her, console her, pero, 'lam mo na... When you grow up apart, you stay that way."

"Naks, I didn't realize na may sensitive side ka pala."

"Anong akala mo sa akin, robot?"

"Haha, nope, just kidding, pero I understand, you. I guess, there are things na hindi talaga natin control.

"Funny thing, alam mo , sa 'yo ko lang ito sasabihin ha, pero I got a message from my friend from May 7 noong May 1, but it's probably a glitch in Smart's system, baka nagkamali lang ng pag-encode ng date, ewan ko lang. Sabi 'dun sa message "Anong ginagawa mo d'yan sa batangas?" Hindi ko ni-replyan kase, at that time nasa Manila pa ko, and no plan to go here.
Haha, parang nag-time travel 'yung message, ang weird."

Napalaki ang mata ni Angie sa narinig. Hindi lamang pala siya ang nakatanggap ng ganoong mensahe. "So pag ngayon pala ay pumunta ka ng Manila, parang binago mo na 'yung future ganoon ba?"

"Well, 'yun eh, kung iisipin nga nating from the future itong message..."

"Paano kung ganoon nga?"

"Kita mo naman ang panahon. May bagyo pa sa Thursday, So parang imposibleng baguhin ko ang future."

"Oo nga ano, 'yung fate pa rin ang masusunod, hindi ka makikita ng friend mo sa Manila, at nandito ka pa rin sa Batangas."

"Pero, alam mo , in a way naimpluwensyahan din ako ng text na ito eh, kase, parang bigla kong naalalang umuwi."

"Bakit may iba ka pa bang pupuntahan?"

"Sabagay, teka, ikaw, hindi mo pa sinasabi kung anong gusto mong baguhin about your life."

"Right now? Lahat. Everything that happened to me from two years ago."

"Grabe naman 'yun."

"Ngayon lang 'to dahil magulo pang isip ko. Tanungin mo ako bukas, baka iba nang sagot ko."

"Normal lang sa tao ang magpabago-bago ng isip, pero hindi normal ang magpabago bago ng puso."

"Alam mo 'you remind me a lot about him."

"Bakit? I'm smart , sensitive and handsome?"

"No, you're both full of...shit"


....



May 5, hatinggabi


Habang bumubuhos ang ulan at bahagyang paghampas ng hangin ay patuloy ang paglalakad ng isang lalaki. Wala siyang dalang payong at ngayo'y basangbasa na ang kanyang suot na damit. Ang sapatos n'ya na nakalubos sa tubig ay patuloy na bumibigat sa kanyang bawat hakbang. Nanunuot sa kanyang mga paa ang lamig.

Nagbabadya na ng isang malakas na unos.

Pero wala siyang paki-alam kailangan niyang marating ang pupuntahan.

Ilang minuto lamang ang nakakaraan ay nakasakay siya sa isang magarang sasakyan. Ngunit sa bagal na pag-usad ng kalsada ay tila imposible siyang makarating ng oras. Baka napahamak na si Angie ay wala pa siyang nagawa.

Pagkatapos humingi ng ilang direksyon sa driver nina Alice ay bumaba ito at sinagupa ang ulan patungo sa walang kasiguruhan.

...

Nangangalahati pa lamang si Angie sa kanyang unang San Miguel Beer ay tila lasing na ang pakiramdam nito. Si Terrence naman ay naaaliw sa kakulitan ng dalaga. Bagama't napag-usapan nila noong umagang iyon na magkukwentuhan tungkol sa kanilang buhay buhay ay nauwi iyon sa maghapong kulitan. At kahit na nga malungkot at salaysay ni Angie ay nakuha pa rin nitong magsaya.

"Alam mo weird din yung girlfriend mo eh ano?" sabay kagat sa malamig na slice ng pizza. "Ewww. para kong kumakain ng glue."

"Sabi ko na sa 'yo i-microwave muna eh, sus, weird bang tawag 'dun? kala ko normal 'yun ngayon hahaha."

"I mean she doesn't treat you as a boyfriend for sure. Kung ako sa kanya, bibigyan kita ng ultimatum." Tinungo ni Angie ang kusina para i-init ang pizza. "Asan ang oven?"

"D'yan sa tabi ng cupboard. Eh, understanding s'ya siguro kaya ganoon." Diretso lamang sa paglalaro ng Halo 3 si Terrence sa sala. "Fuck, patay na naman."

"Understanding? O walang pakialam sa 'yo kung magloko ka or what? Feeling mo mahal ka nun? Huy ano 'tong mga 'to ba't andami niyong noodles? Haha ano to korean?"

"Korean Ramen 'yan, naku wag mo likutin 'yan, lagot ka kay Alice. Hmmm, ako 'din naman walang paki-alam kahit san s'ya magpunta, basta at the end of the day akin s'ya ganun. Langya naman 'tong mga kalaban ko may cheats ata. Bwiset."

"I think kahit kayo, parang walang sense din dahil, kayo nga , pero you don't love each other? Ano 'yun? Para saan? Tsk Tsk.. "

"Kung magsalita ka ah, kesa naman you love each other pero hindi naman kayo, tingin ko mas walang sense yun."

Tinamaan si Angie. Tila sibat ang mga huling sinabi ni Terrence sa kanya. Tumagos iyon sa kanyang dibdib. Hindi siya nakasagot.

Nagpakulo siya ng tubig, at pinunit ang pakete ng dalawang Ramen.

....

"Barangay 7 po?" tanong ni Raimund sa nakaparadang tricycle.

"Hindi ako biyahe ngayon, delikado lumabas ngayon eh. Patila ka muna."

"Sige na po manong importante lang." pilit ng binata.

"Ah ganun ba? Importanteng importante ba? Wan-pipti, sige, tutulungan kita."

"One-fifty?"

"Ayaw mo yata eh."

"Hindi, sige po, tara na."

...

"Noob ka pala eh. Hahahahaha" Hindi napigil ni Angie ang tawa ng lumabas ang scores sa multiplayer game na nilalaro ni Terrence.

"Eh? medyo tipsy na rin ako Angie eh. Try mo kaya ikaw naman."

"Sige pagkatapos ko kumain." Noo'y hinanda na ni Angie ang niluto niyang noodles.

"Naku, ba't yan pang napili mo iluto. Akong pagbibintangan nun na kumain n'yan."

"Eh? Bayaan mo, tayo naman ang kakain. Hahahaha, Nakakatawa 'yung ekspresyon ng mukha mo, parang takot na takot ka ke Alice."

"Ha? Eh, hindi naman. Ayoko lang na sumama loob noon sa kin."

"Woo, takot ka ke Alice no? Aminin mo na, hahaha." iniabot ni Angie ang isang bowl ng noodles kay Terrence.

"Ibang magalit 'yon eh. Mahihiya ka sa sarili mo. Kaya iniiwasan ko na rin. Basta sasabihin ko na lang na ikaw. Ayos ba?"

"Takot ka lang ma-blackmail."

"Parang hindi mo kilala si Alice, lahat ng bagay for her, ay kailangan mong ingatan. She's too sensitive. Sa maliliit na bagay hanggang sa malalaki, you can always go wrong."

"But you know she makes mistakes also right?"

"I know. But it's her right to make mistakes. She grew up in the worst kind of family. Walang pakialam na magulang, walang kwentang kapatid. I actually feel so sorry for her na kahit mga mali niyang nagagawa, hindi ko makuha siyang i-blame."

"So, if halimbawa, you catch her with a boy, halimbawa lang ha, in the same manner na pag nahuhuli ka nya with the girls. How would you react?"

"Si Alice? Imposible, hahaha. She's as innocent as you are pagdating sa ganyan. Hmm, sarap pala nito." Patuloy sila pareho sa pagkain ng mainit na noodles.

"Kaya nga halimbawa nga eh, hypothetical nga 'yung tanong."

Napatigil si Terrence sa pagkain at napaisip ito sandali.

"Mapapatay ko siguro 'yung lalaki."

Muntik nang masamid si Angie sa narinig. Naisip niyang mabuti na nga lamang at napilit niya si Terrence lumabas noong umaga.
...

Sa kalagitnaan ng biyahe ni Raimund sakay ng isang lumang tricycle ay nagsimula siyang makarinig ng mga kalampag at garagal na tunog mula sa makina nito. Sa manaka-nakang nilulusong na mababaw na baha ay patigil tigil sa pag-andar ng makina nito.

"Sensya ka na Pre, dito na lang siguro tayo. Soli ko na lang kalahati ng bayad mo." Sa huli'y sabi pa ng driver makalampas ang "Welcome to barangay 5".

"Malayo pa ba? Baka pwede paki-abante pa ng konti."

"Sinubukan ko na 'di ba? Kita mo naman itong tricycle ko. Baka lalong pumalya, hindi pa ako maka-uwi. Di ko pwedeng isugal 'to sa baha."

Napilitang bumaba si Raimund. Madilim ang lansangan na lalong pinalala ng lakas ng ulan. Makailang hakbang ay lumubog ang kanyang binti sa baha.

Shit.



May 5, magdamag


"Seriously? May natanggap ka ring message from May 7?" Hindi pa rin makapaniwala sa narinig si Terrence. Buong akala n'ya'y sa kanya lamang nangyari iyon.

"'Yup. Pero la na kong pruweba, kase dinelete ko na. Akala ko kase kalokohan lang, o ewan, 'di ko lam kung anong naisip ko nun. In a way I believed it 'din kahit papaano. Hey paano ba mag-reload?" Kwento pa ni Angie habang pinag-aaralan ang controls sa video game na nilalaro.

"You believed it? Kahit kala mo kalokohan? Wha'ts the message ba?" Hinawakan ni Terrence ang kamay ni Angie para gabayan ito sa paghawak ng controller.

Bagamat walang malisya, nakaramdam ng kaunting kaba nang mahawakan ang kanyang kamay at pansamantalang magtama ang mata ng dalawa.

Nagkataon namang tinamaan ang character ni Angie at "namatay" ang kanyang "Master Chief"

"Ayan, kasalanan mo 'yan ha. Hahaha, ayoko na nito. hindi ako marunong mag-control, hahaha." Natawa si Angie sa kinahinatnan ng nilalaro.

"Andali mo namang sumuko."

"Depende rin, kung karapat-dapat bang wag sukuan eh."

....

Habang patuloy ang pagbuhos ng ulan ay patuloy ang paghakbang ni Raimund sa malubak na daan. Manaka-naka siyang bumubuslo sa mga butas ng kalye pero hindi na niya ito iniinda.

"Welcome Barangay 6"

Wala pa ring naliligaw na tricycle. Diretso lang si Raimund, habang nanginginig sa lamig.

...

"So ano nga 'yung message?" pangungulit pa ni Terrence.

"Wala naman. Sabihin na lang nating 'yun ang reason kung bakit nandito ako." Naka-upo na noon si Angie sa sofa habang si Terrence naman ay naglatag sa sahig ng isang sleeping bag at inabutan si Angie ng makapal na kumot.

"Cool. Buti na lang may nagsend sa 'yo ng message na 'yun. Dahil kung hindi, we would've never got together this way."

"Well, you could look at it that way..."

"Bakit hindi ka ba nag-enjoy. Ako, I had a great time..."

"Anu ka ba? Naaliw nga ako sa 'yo ng sobra. Siguro nga, thank you na rin 'dun sa message."

"Pero, nakaka-intriga 'ding isipin ano? 'Di ba sa May 7 pa 'yung message? Paano kung may magbago ngayon? Halimbawa dahil sa pagpunta mo rito, hindi matuloy 'yung pagpapadala sa 'yo nung message, Ano ang mangyayari?"

Napa-isip si Angie sa mga posibilidad. "Paano nga kaya? Anong magbabago?"

"Imposible namang mag-rewind ang buong mundo dahil lamang 'dun."

"Maaari ding may magbago sa ibang reality. Hindi sa reality natin, kundi sa ibang reality. Ang gulo no?"

"Ano tipong parallel realities? Astig, parang sa sliders ganun? Hehe so 'yung ibang version na Angie ay hindi mapupunta sa Batangas at hindi ko makakasama ngayon ganun?"

"Well, hindi na ikaw 'yun, ibang Terrence na rin 'yun no. Nabasa ko na 'yun dati sa mga teyorya ng alternate realities.Kung baga, may mabago man tayo dito, hindi na tayo ang maaapektuhan kungdi yung, kakambal natin sa ibang dimension na sa ngayon ay nasa past pa."

"Hahahaha, hoy Angie, daig mo pa ang lasing magsalita. Hindi ba sa mga pelikula lang 'yon?"

"Nag-iisip lang nga po ng mga posibleng mangyari. Tsaka science din po talaga 'yon." Sa loob-loob ni Angie ay ano nga kaya kung hindi niya natanggap ang mensaheng iyon ni Raimund?

Marahil ni hindi siya sumama noon sa bahay nina Jeric upang manood ng boxing. Marahil ni hindi na niya iniisip muli si Raimund.

"Pero halimbawa na lang at dumating ang May 7, meron sana akong request sa 'yo."

"Ano 'yun?"

"I-tetext kita, at i-text mo rin ako. Para kung hindi ka man i-text nung unang nag-text sa 'yo posible pa rin na magkita tayo ulit."

"Ngek. Hindi na ako ang makaka-recieve nung message na 'yun no? Kundi 'yung Angie na nasa past ngayon."

"Hmm? Oo nga 'no... "

"Atsaka baka isumbong lang kita sa girlfriend mo no. Maloko ka talaga. Hahahaha."

Ngunit wala nang narinig na tugon si Angie mula kay Terrence na noo'y nakadapa sa sleeping bag, at mahinang humihilik.

...

Green na gate, nasaan ka na?

Bahagyang humina na ang pagbuhos ng ulan nang marating ni Raimund ang Barangay 7. Sa pagod at antok ay nalimutan na rin niya ang numero ng bahay nina Alice. Wala siyang natandaan kundi ang deskripsyon ng driver sa gate. Malaking berdeng gate.

Green na gate, nasaan ka na?


...

Matapang si Alice at alam niya ito. Ang pag-iwas sa pagpapatiwakal ay hindi niya tiningnan bilang isang karuwagan bagkus isang katapangan para sa harapin ang mga darating na araw.

Katapangan na kakailanganin niya upang makagawa ng mga desisyon.

Handa siyang manindigan. Handa siyang lumaban. Kailanma'y hindi pa siya umatras sa anumang pagsubok. Hindi minsan, hindi rin ngayon.

Mahal niya si Raimund. At kahit papaano'y pinapahalagahan din niya ang pagkakaibigan nila ni Angie. Pero kailangan din niyang mahalin ang sarili.

Iyon lamang naman talaga ang nakapagpapahirap o nakakapagpadali sa mga bagay. Sino ang dapat unahin? Sino ang dapat pahalagahan?

Halos magdamag siyang nag-iiyak sa silid. Walang nobyong nagbigay ng balikat, walang kaibigang dumamay.

Ang bagyong parating at ang patuloy na pagbuhos ng ulan ay tila nakikiramay sa kanya. Marahil ito ay hudyat ng mga dapat niyang gawin.

Pinunasan ni Alice ang kanyang mukha, muling tiningnan ang hitsura sa salamin. Ngumiti ito sa sariling repleksyon. Tila ba pinasasaya ang sarili sa pinag-iisipang desisyon.

Tiningnan niyang muli ang cellphone. Binuksan ang inbox at hinanap ang misteryosong mensahe mula sa May 7. Binasa niyang muli ang detalye ng balita ng pagkamatay ni Angie.

May kakaibang naramdaman si Alice. Hindi niya ito maipaliwanag. Tila binalot ng yelo ang kanyang dibdib. Takot ba ito? Kaba? O isang rebelasyon na mayroon siya ngayong kapangyarihan upang sagipin ang kaibigan o pabayaang mangyari ang nakatakdang mangyari.

Tutal hindi na niya kasalanan kung matupad man iyon. Napalingon muli siya sa salamin. At nahuli niya ang repleksyong bahagyang nakangiti. Ngunit hindi sigurado sa sarili kung siya ba mismo'y nakangiti rin talaga.

...

Pinanood lamang ni Angie si Terrence sa kanyang pagtulog. Alam niyang umaga pa lamang ay puyat na puyat na ito ngunit inasikaso pa rin siya nito buong maghapon hanggang magdamag!

Bahagya siyang nakaramdam ng guilt at awa kay Terrence. Sa kagustuhang iligtas si Alice at Raimund sa kahihiyan ay nilinlang niya si Terrence upang lumabas.

At nagpaunlak nga ito. Hindi rin naman inasahan ni Angie na kahit papaano'y isang "estranghero" pa ang magpapasaya sa kanya ngayong maghapon. Ilang araw na rin naman siyang malungkot at frustrated.

Nilapitan ni Angie ang natutulog na binata at hinagkan ang pisngi nito.

"Thanks Terrence. I had a great time too."

...

Pagkakita ni Raimund sa malaking berdeng gate ay hindi na ito nag-atubili. Patay na ang mga ilaw maging sa tarangkahan nito. Ilang ulit nitong pinindot ang doorbell at pinagkakatok ang gate.


"Angie Angie! Andito ako. Ilabas niyo si Angie! Angie Asaan ka Angie?" sigaw ni Raimund ng ilang ulit habang kinakalampag ang gate.

Ilang minuto pa'y bumukas ang ilaw ng tarangkahan at may lumabas sa pinto. Hindi niya matanaw ito sa kalayuan. Kaya't itinuloy niya ang pagsigaw.

"Walanghiya ka ilabas mo si Angie! Hayup! "

Ilang saglit pa'y bumukas ang gate. Isang matandang babae ang lumabas doon.

"Anong sinisigaw sigaw mo d'yan? Nakakabulahaw ka! Alam mo ba kung anong oras na?"

"Wala akong paki-alam ilabas niyo si Terrence! Ilabas niyo si Angie!"

"Sinong? Terrence? 'yung anak ni Congressman?" sabi pa ng matanda.

Napatigil si Raimund at tila alam na niya ang kanyang pagkakamali. Napatango na lamang ang binata.

"Lakad ka pa ng kaunti at pagkalampas mo ng ikatlong poste, sa tapat noon 'yun ang bahay nina Congressman sa may berdeng gate."

Bagamat napahiya ay nabuhayan pa rin ng loob ang noo'y basang basa sa ulang si Raimund.

"Salamat po lola, pasensya na po sa istorbo-"

Hindi pa tapos sa sinasabi'y lumagapak nang malakas ang pintuan ng gate ng matandang ale.

Shit.


May 6, Madaling-araw

Kumakain muli si Angie ng ramen nang tumunog ang doorbell at marinig ang malakas na pagsigaw ng pamilyar na boses.

"Angie Angie! Naririnig mo ba ako?" Sigaw ni Raimund mula sa labas.

Agad namang nagtatakbo ang dalaga upang pagbuksan ito.

"Wag kang maingay! Nakakahiya sa kapitbahay!" sabi pa ni Angie habang binubuksan ang gate.

"Anong ginawa sa 'yo ni Terrence? Nasaan na ang hayup na 'yon?" Nanginginig na sabi ni Raimund. Kung sa galit o sa lamig ay hindi maunawaan ni Angie. Tila na noon ang ulan ngunit basang basa na ang buong katawan ni Raimund.

"Relax ka lang, akong nagyaya sa kanya dito." Puna ni Angie na hindi maayos ang biyahe ni Raimund " Teka, napano ka? Ba't ganyan ang hitsura mo? Si Alice nasaan?"

"Niyaya mo siya? Hindi mo ba alam kung gaanong pag-aalala ko?"

"Ba? Kung 'di dahil sa akin eh 'di nagulpi ka na sana kanina, Ang alam ng parents ni Alice, sa Friday ka pa dapat pumunta ng Batangas."

"Do you even know this guy at basta basta ka na lang sumasama? You could've been hurt or.."

"Ha? To tell you honestly, I think I can decide for myself who to trust. Terry is a great guy, I don't know what you think of him pero, how about me? What do you think of me?"

"Hmm, sorry, forget about it. I'm sorry."

"I'm not that kind of girl Raimund. And FYI Terrence isn't that kind of guy either. He treats me well like his little sis and I treat him like a big bro."

"Really?"

"What are you doin here anyway? Trying to be a hero?"

"I was just worried. 'Di ko naman matatanggap na may mangyari sa 'yo."

"Naks, nakakapanibago yata 'yan. Anyway that's flattering."

"Sus ganoon lang ako sa kaibigan."

"Talagang sumugod ka sa ulan ha? Tingnan mo basang basa ka! Thank you sa concern."

"San na si Terrence?"

"Tulog na tulog, kumakain ako ng ramen, gusto mo akong sabayan?"

"Are you crazy? Balik na lang ako dun tutal at home ka naman dito."

"Ah, talaga? Lalakarin mo pabalik?' nag-isip muna si Angie sandali " Teka, bago ka umalis, pasok ka muna, five minutes."

Hinigit ni Angie si Raimund papasok ng gate at pinilit pumasok sa bahay nina Terrence. Tanaw ni Raimund ang noo'y tulog na tulog na si Terrence sa isang sleeping bag sa salas.
Si Angie nama'y pumasok sa isa sa mga silid.

Maya maya'y lumabas itong may bitbit na t-shirt at pantalon.

"Magpalit ka muna, bago ka tumuloy, siguradong magkakasakit ka niyan."

"Naku Angie ano ba 'yan, 'di ko kailangan n'yan.."

"'Wag ka nang maarte, bilisan mo na't baka magising pa si Terrence."


.............
Ilang minuto pa ang nakalipas, magkasabay na lumabas ng gate si Angie at Raimund. At naglakad nang may munting distansya sa pagitan.

"Hindi ka na ba mapipigil? Alice has re-scheduled the party sa Saturday, pagkatapos ng bagyo."

"Nah, wala akong lugar sa party ninyo, I'd rather get home as soon as I can. I just need a place to sleep now. Bukas na bukas uwi na din ako."

"Look, about the other night..."

"Are you going to bring that up again?"

"No, about the kiss... I.."

"Nothing to worry about, I kissed you, I'm the one who's at fault. Just forget about it."

"Yeah but..."

"Shut it... Raimund, don't be stupid and ruin everything again. It's getting pretty tiring most of the time. You deserve her and she deserves you. "

"I don't know."

"Bullshit."

"What? I really am not sure right now. 'Wag ka namang ganyan, nahihirapan din ako ngayon."

"Bullshit. You're suddenly confused just because I kissed you? Damn Raimund, You're the most inconsistent guy that I know!"

"Hindi ako perperkto alam ko.."

"Damn right you're not perfect, you aren't even trying! Bakit lagi na lang lahat ng bagay eh, all about you? Ikaw ang hindi sure, ikaw ang nahihirapan, ikaw, ikaw, ikaw!"

"Angie..."

"You're all about pleasing yourself."

"Alam mong hindi totoo 'yan."

Napatahimik si Angie. Marahil nakabigla s'ya ng mga salita noong oras na iyon. Ngunit hindi siya ang tipong babawi ng mga sinasabi.

"I don't apologize to what I say Raimund, but if I offended you, I'm just being honest."

Hindi kumibo si Raimund. Nagpatuloy lang ang kanilang paglalakad hanggang matunton nila ang isang paupahang kwarto.

"Dito na lang ako. Bumalik ka na kina Alice. Babalikan ko na lang ang bag ko bukas."

"Angie, do you still love me?"

Nabigla si Angie sa tanong ni Raimund. At kung sumagot siya kaagad ay maaaring nakapagbitiw siya ng salitang hindi niya napag-isipan. Ngunit nagkunwaring hindi niya ito narinig.

Humakbang si Angie papalapit kay Raimund, at sa isang mabilis na bwelo, ay nakapdyak ang dalaga at napatamaan ang isang paa ng binata. Napasigaw si Raimund sa sakit dulot sa paang naipit.

"SHIT!"

May 6, umaga

Maganda ang sikat ng araw noong umagang iyon. Tila walang bakas ng magdamag na pag-ulan liban sa basang kalsada at ilang putikang landas. Para bang sinaid ng magdamagang ulan ang mga ulap.

Ngunit ang mga mamamayan ng Nasugbu ay naghahanda pa rin sa itinakdang bagyo sa susunod na araw. Hindi nga daw dapat magpadaya sa init ng panahon kung may nagbabadya namang unos sabi ng mga matatanda.

Kalmado pati ang hangin at tila nagbabadya ng payapang maghapon bago bumugso muli kinabukasan.

08:00 am

Nagising si Terrence sa tunog ng alarm buhat sa kanyang cellphone ngunit hindi niya matunton kung saan iyon nagmumula. Hindi niya natandaan na nag-set siya noong gabi. Bumangon siyang mabigat ang pakiramdam at masakit ang ulo.

Ano bang nangyari kagabi?

Nang matunton niya ang cellphone ay nakapatong iyon sa isang maliit na papel. Isang note mula kay Angie:

"Pasensya na, I had to leave early. I can't sleep here, nakakahiya pag may biglang dumating. I'm going home on Thursday. I-eenjoy ko muna ang maghapon dito. If maganda ang panahon baka magbeach muna ako, hehehe.
Thanks for a wonderful evening... See you in the future!!

Angelique"

Dali-daling naligo at nagbihis si Terrence.


.....


09:00am

Nagising si Raimund nang mahulog siya sa bangko (upuan) na kanyang tinulugan. Nanaginip na naman siya ng higanteng robot at sumisigaw na si Alice. Nandoon din si Angel Girl at ang kanyang kakaibang costume. Ngunit lumipad ito ng papalayo. Sinubukan niyang sundan ang kanyang paglipad ngunit bumulusok lamang siya paibaba.

Hindi siya marunong lumipad. At nagising na naman siyang masakit ang likod.

Pagbangon niya'y isang maliit na note ang natagpuan niya sa isang lamesita kasama ang ilang dadaaning bills:

"Good Morning!

I have to go. Balik ka na kina Alice. Punta ako 'dun mamaya to get my bag. Hindi na kita ginising dahil alam kong puyat ka. Gala muna ako to enjoy this beautiful day at kalimutan munang lahat ng mga GUMUGULO sa isip ko! 'Wag mo akong problemahin, I'm a grown up girl. Just be wiser with your decisions next time and please make an effort not to hurt anyone. Bye!

Angie"

Napaupong muli si Raimund at nagpa-iling-iling habang nakatitig sa munting papel ni Angie.
...

10:00am

Pagkatapos kumain ng agahan at makapagbihis ay agad na umalis si Alice. Nagpaalam siya na pupunta sa kanilang bahay ngunit may iba siyang balak puntahan. Kailangan niyang gumawa ng isang mabigat na desisyon at kailangan niya ng gabay ng kaibigan.

....

11:00 am

Sa isang maliit na resort sa bayan ng Nasugbu, kumakain ng meryenda si Angie. Hindi pa siya nakakapaligo at nakakapagpalit ng damit. Gusto pa man din niyang mag-swimming dahil sa unang pagkakataon ay uminit muli ang panahon.

Ngunit kuntento na si Angie ngayong nakapag-isa na siya. Sarili na niya ang araw. Ang beach. Ang mundo.

Hanggang sa may narinig siyang tinig mula sa likod.

"Nandyan ka lang pala. Kung saan saan kita hinagilap"

Shit.


May 6, tanghali


Sa isang mamahaling restaurant nagtagpo sina Alice at ang kanyang mga kaibigan.

"Na-text mo na ba si Julie?" Tanong ni Alice kay Cassandra na noo'y kumakain ng ham sandwich.

"Not yet, bukas pa daw babalik ang service ng Smart. Inayos nila ang service eh."

"'Yun ba yung nasa mga commercial this past week?"

"Uhuh, yep, 'yung mas mabilis na mga messages at wider coverage achuchuchu..." tuloy lang sa pagkain si Cassie.

"Faster than speed of light texts daw... who needs 'em?" Si Melanie sabay taas ng kilay.

"Kelan sisimulan 'yun?" biglang naging interesado si Alice.

"Tomorow daw, It's a joint project with that South Korean company."

"Faster than speed of light messages?" napaisip lalo si Alice. "Could it be...?"

"What? The reason for the messages to go back in time? Naku Alice, If I were you, I won't do anything, for what's it's worth, hindi mo na problema 'yun." Sabi ni Cassandra sa kaibigan na noo'y hindi ginagalaw ang inorder na lasagna.

"She was my friend for a long time." tugon ni Alice.

"Alam mo Alice, I don't think she was being a friend when she kissed your boyfriend."

"It was partly my fault. I wasn't a good friend to her either..."

"Bayaan mo na lang kasi, and besides, paano mo nasiguro na magkakatotoo 'yang text message na sinasabi mo?" singit naman ni Melanie.

"What if it does come true? Do you think I can withstand the guilt?"

"Well, heto lang masasabi ko, gawin mong lahat ng kaya mong gawin. Pero hindi ka diyos para baguhin ang tadhana. And, gawin mo ito not because you can't withstand the guilt, pero dahil din you can't stand to lose a friend." si Melanie.

...

"Hindi mo na ko dapat hinanap." Naka-upo si Angie sa passenger seat ng kotse na minamaneho ni Terrence.

"Don't give me that crap, na, you enjoy being alone."

"Actually Terrence, I do. And I need to be with myself for a while. Minsan hindi ko na kilala sarili ko."

"Well, madami ka pang time para makapagsarili, pero hangga't nandito ka sa Batangas, na hindi naaalagaan ng kapatid ko, responsibilidad kita."

"Naks, para namang bata ang tingin mo saken, I can handle myself thank you!"

"At least you need a tour guide, you have a day to enjoy the place tapos sasayangin mo sa isang mumurahing resort habang kumakain sa karindirya?"

"And what's wrong with that? Alam ko you have all the money in the world to spend on expensive villas and restaurants pero, masaya na ako sa mga simpleng bagay!" Nakataas ang kilay ni Angie.

Napatawa naman noon si Terrence... "Woah, sorry, ha, hehehe, ang cute mo pala pag nagagalit."

"Hoy, hindi ako galit no? I'm just trying to prove a point!"

"Okay, sige panalo ka, ihahanap kita ng mga pinaka-simple pero pinakamagandang spots dito sa Batangas." Noo'y nakarating na muli sila sa resthouse nina Terrence.

"Eh talaga? Pumayag na ba ako na ikaw maging tour guide ko?"

"Andito na tayo, kunin mo na ang bag mo, at ako nang bahala sa 'yo."

....

Bumiyahe si Raimund pabalik ng resthouse nina Alice. Maaaring abutan pa niya doon si Angie at makahingi man lamang ng tawad.

Muntikan pa siyang maligaw sa pagkalito sa mga sakayan sa bayan ng Nasugbu.
Ngunit nang makarating ang tricycle sa gate ng residential community ng resthouse ay huminto na ito at pinababa si Raimund.

"Bakit?" taka ni Raimund.

"Members only lang yan, bawal kami d'yan, kung may kakilala ka na taga-'dyan patawagin mo na lang sa security." sabi pa ng tricycle driver.

"Shit."

May 6 hapon


2 pm

"Do you mind if I take a quick shower before we go?" Tanong ni Angie kay Terrence bago lumabas ng sasakyan.

"Hindi naman sa minamadali kita but I really do prefer na mas maaga tayo makaalis. The view is fantastic where we're going and I don't want you to miss the sunset." kunwari'y ngumiwi ang binata.

"As if naman na hindi maulap?"

"Well, you should see the clouds' colors tonight... Sige dalian mo lang ha?" kumindat pa si Terrence.

"Sure." Patakbong pumasok si Angie sa malaking resthouse.

....

"So what's your decision?" tanong ni Melanie sa nakapangalumbabang si Alice.

"I don't know. Maybe I should think it over. Maybe she deserves it, maybe she doesn't, why does it have to be my responsibility?" Napalakas ng kaunti ang boses ni Alice na ikinagulat ng mga kaibigan n'ya.

"Maybe it isn't," sabi naman ni Cassie, "I mean think it over, maybe her fate was put into your hands para ikaw ang masunod. I don't see anything wrong if you don't do anything."

"You have to do something at least." suhestyon naman ni Melanie.

"Kaya nga I was asking for you to call Julie 'di ba? She can do something about it. Kanila 'yung bus na maaaksidente eh. She could ask her parents to stop operation for the storm."

"'Yun lang pala eh," sagot pa ni Cassie, "You know what? Ako nang bahala, magpahinga ka na muna sa inyo at leave it all up to me, kapitbahay ko lang sina Julie, ako nang bahalang magpaliwanag."

"Really? Sobrang stressed out na kasi talaga ako, imbes na 'yung party ko ang iniintindi ko, I have to deal with that girl's problems. Alam n'yo naman ayoko namang maging plastic sa kanya to the point na i-warn ko pa siya personally, after what she did."

"Why warn the bitch? Let the fate take its course di ba? If destiny says na kailangan na siyang mawala sa mundo, eh kahit pa pigilan mo pang lahat na sasakyan sa mundo, fate will find a way for her tomorrow."

"Thanks, Now I have to get home. Baka nakauwi na si Raimund, we have to make up na bago pa dumating sina Mom sa Sat, Maging memorable man lang para sa amin ang weekend na 'to."

"Ayan, make love, not war, hehehe."

"Sige gals, thanks again, para akong nabunutan ng tinik."

Lumabas si Alice nang magaan ang pakiramdam at pansamantalang kinalimutan si Angie. Si Raimund ang laman ng isip niya ngayon at gagawin niya ang lahat para manatili sa kanya ang pagmamahal nito.

Sa loob naman ng restaurant ay naiwan ang kanyang mga kaibigan na patuloy na sa pag-uusap.

"You're not actually going to talk to Julie are you?" tanong ni Melanie.

"Are you serious? Hell NO! That bitch deserves it. Hahahahaha!" tawa pa ni Cassie.

"Alam mo ang sama mo talaga!" natatawang sabi ni Melanie.

"Well, Alice is my friend, at alam kong 'yun din ang gusto niyang mangyari, hindi n'ya lang kaya ang guilt."

"Why do you say that?"

"Eh kung talagang gusto niyang sagipin yung Angie na 'yun, eh imbis na si Julie ang kausapin n'ya eh 'di si Angie na lang ang warningan n'ya 'di ba?"

"Point well made." tumatangu-tangong sabi ni Melanie bago sinimulang humigop ng mamahaling kape.

....

Pagkatapos maligo'y saka naalala ni Angie ang tuwalya. Sumilip muna siya sa labas ng shower area at tiniyak na naisara niya ang pintuan ng kwarto ni Terrence bago lumabas.

At dahil wala siya mismong baong tuwalya ay naglakas loob siyang magbukas ng iskaparate upang maghanap ng pantuyo sa katawan.

Nanginginig-nginig na siya sa lamig kaya't binilisan pa niya ang paghalungkat sa mga gamit ni Terrence. Di sinasadyang natabig niya ang isang kahon at nalaglag ang takip niyon.

Mula roo'y nakasilid ang isang cd case ng mga dvds na recordable. Sa pagbuklat niya rito'y napansin niyang sari-saring pangalan ng mga babae ang nakasulat bawat disc.

Nanginginig at kinabahang bigla si Angie. Ibinalik niya sa dating ayos ang kahon na kanyang natagpuan. Muntik na siyang himatayin sa takot nang may biglang malakas na pagkatok sa pintuan.

"Shit. Shit. Shit."



May 6 hapon pa rin



When do you say enough is enough? Nakatulala si Raimund sa magandang tanawin ng Nasugbu. Ano nga bang pelikula 'yon?

Nagmumuni-muni sa sarili si Raimund habang naka-upo sa loob ng guard house sa may entrance ng eksklusibong kumonidad sa Punta de Fuego.

Kelan nga nga ba dapat itaas ang pareho mong kamay at aminin sa sariling walang silbi ang paasahin ang sarili sa wala?

Mula sa di kalayuan ay natanaw niya ang isa sa mga sasakyan nina Alice.

...

"What were you doing there?" Tanong ni Alice sa nobyo nang makasakay na ito sa loob ng kotse.

"Ha? Nagmumuni-muni." Wala sa sariling tugon ni Raimund.

"Tungkol saan?"

"Wala, sa kung anu-ano."

"' Wag ka na masyado mag-isip, Basta ang isipin mo palagi ay nandito ako para sa 'yo," Humilig ang ulo ni Alice sa balikat ni Raimund.

"Alam mo ba kung saang movie 'yung linyang... When do you say enough is enough?" wala sa sarili pa ring sabi ni Raimund.

"Sa The Mexican, favorite ko 'yun 'di ba?" Napangiti si Alice sa binanggit ni Raimund, "Bakit mo naitanong?"

"Ano na nga bang sagot sa tanong na 'yon? When do you say enough is enough?"

Humalik muna si Alice sa pisngi ng binata bago tumugon..."Never."

Biglang bumalik sa reyalidad si Raimund.

.....

Dali-daling nagbihis si Angie habang tumatakbo ang isip kung ano ang susunod niyang gagawin.

"Matagal ka pa ba d'yan? Baka hindi natin abutin ang sunset may alam akong magandang spot sa di kalayuan dito." tawag ni Terrence mula sa labas ng pinto.

Hindi mai-alis ni Angie sa isipan ang koleksyon ni Terrence ng mga CD's na may mga pangalan ng mga babae. Naalala niya ang mga kaso ng pang-aabuso sa mga babae na kinukuhanan pa ng video ng mga abusado.

"Sa-sandali na lang..." Natatarantang sabi pa ni Angie. Ano kaya ang binabalak gawin sa akin ni Terrence? Naisip pa ni Angie.

Nilibot niya ng paningin ang silid ni Terrence.

Kasya siya sa bintana. May isang puno din na maaari niyang abutin upang akyatan niya palabas.

Naisip din niyang muli ang mga CD's. Kung anumang bagay ang naroroon, ay magiging katibayan iyon kung saka-sakali.
...

Makalipas ang ilang minuto ay tumawag ulit si Terrence mula sa labas. "Angie, masyado ka yatang nawili d'yan sa pagbibihis mo, Hindi mo na kailangang magpaganda. Maganda ka na."

Ngunit ilang sandali pa'y wala nang tugon siyang narinig.

"Angie?" Nagtatakang tanong ni Terrence habang bahagyang binuksan ang pinto upang sumilip.

Napansin niya agad ang nakabukas na bintana at ang nakahawing kurtina. Wala sa silid si Angie. Wala rin sa banyo ng silid. Wala rin ang backpack ng dalaga. Tumakas ito sa pamamagitan ng pagdaan sa bintana. Lubha iyong ikinagulat ni Terrence.

Noon niya napansin ang nakabukas na closetat gulo-gulong damitan. Kinutuban na si Terrence.

Dali-dali niyang binuksan ang kahon na kanyang pinaka-iingatan. Wala na ang kanyang mga CD's.

Shit.



May 6, gabi

"Lift your head, baby, don't be scared
Of the things that could go wrong along the way
You'll get by with a smile
You can't win at everything but you can try."

Nakikinig siya sa isang sintunadong bersyon ng With A Smile sa Videoke.Naka-alis na ang last trip nang dumating sa istasyon ng bus si Angie. Gustuhin man niyang maghanap ng kwarto upang matuluyan sa gabi, ay hindi niya magawa dahil ubos na ang kanyang pera.

"Baby, you don't have to worry
'Coz there ain't no need to hurry
No one ever said that there's an easy way
When they're closing all their doors
And they don't want you anymore
This sounds funny but I'll say it anyway."

Di na niya napansin ang sarili na naaliw siya sa pagkanta ng isang may edad na lasing.
Nakaupo lamang siya sa tabi ng isang maliit na karinderya malapit sa hilera ng mga nakaparadang bus. Ubos na ang kostumer nito liban sa kumakanta sa Videoke.

"Girl I'll stay through the bad times
Even if I have to fetch you everyday
I'll get by if you smile
You can never be too happy in this life."

Napangiti s'ya sarili nang maalala niya si Raimund habang inaawitan siya nito kapag nalulungkot siya. Ngayon niya naisip na tama rin ang binata. May mga bagay na mananaltili sa isip at puso.

"In a world where everybody
Hates a happy ending story
It's a wonder love can make the world go round
But don't let it bring you down
And turn your face into a frown
You'll get along with a little prayer and a song."

Habang nakikinig si Angie ay di nya namalayang pumatak ang kanyang luha. Pero hindi naman nabura ang ngiti na naipinta nang magsimulang kumanta ang lasing sa Videoke. Pinawi nito ang kanyang lungkot at takot sa isang kakaibang paraan.

"Lift your head, baby, don't be scared
Of the things that could go wrong along the way
You'll get by with a smile
Now it's time to kiss away those tears goodbye"

Tama ang kanta, sa isip ni Angie. Hindi s'ya dapat malungkot. Ngiti lang ang katapat n'yan. Kahit pa tinalikuran ka na ng lalaking pinakamamahal mo, Ngiti lamang ang katapat n'yan. Kahit pa hindi ka na kaibigan ng bestfriend mo, kahit na ang bagong Knight-in-shining armor mo ay maaaring isang manloloko, kahit na ubos na ang perang budget mo sana para sa buong Mayo, kahit na wala kang matutulugan at hindi makauwi kung gustuhin mo, kahit na ang bukas ay punumpuno ng walang kasiguruhan, Ngiti lamang ang katapat nito, sa loob-loob ni Angie.

(Too doo doo...)
Let me hear you sing it
(Too doo doo)

Ngumiti si Angie at nagpunas ng luha. Hindi niya napansin na napapalakpak siya sa kumantang lasing. Napansin naman siya nita at nagbigay ng "bow" sa kanyang performance.

"Miss baka gusto mong mag-request."

"Sige lang po, kanta pa kayo para naman mawala ang lungkot ko."

"Gusto mo pa ng ereyserhed?"

"Bahala kayo Manong." ngiti naman ni Angie.

Matapos maghulog ng barya at pumindot ng ilang numero ay dumagundong muli ang mga speakers. Nagpakawala ng malakas na "squeal" ang mikropono.

"I dedikeyt dis por u.......Kamukha mo si Paraluman..." intro ng mama.

Nag-blush si Angie ng sumenyas pa ng paturo sa kanya ang matanda.

Mukhang mahaba ang gabing ito. Shit.

....


Taon na rin nang huling uminom ng beer si Edgar. Ipinangako niya sa kanyang asawa na titigilan nito ang bisyo. Nalimutan na nga niya kung ano ang pakiramdam ng malasing.

Ngayo'y pasuray-suray siyang muli habang pinipilit aninagin ang hindi na halos mabasang letra ng kanta sa videoke. Hindi bale, saulado naman niya ang mga letra, pumipikit pa nga siya kapag inaawit ang koro nito.


"Magkahawak ang ating kamay at walang kamalay malay

Na tinuruan mo ang puso ko

Na umibig na tunay..."


Sinuway niya ang pangako sa asawa. Isang bagay na napakadalang niyang gawin buhat nang maganap ang isang trahedya sa kanilang buhay.

Sa Saudi Arabia pa siya nagtatrabaho noon bilang isang construction worker. Sa unang taon niya doon ay maayos naman ang kaniyang naging trabaho. Regular pa siyang nakakapagpadala sa kaniyang asawa't tatlong anak sa Pilipinas. Nakakapagtabi pa nga sila sa bangko. Ngunit nang matapos ang kanyang kontrata ay unti-unti ring naubos ang kanilang naipon. Nahirapan siyang makakuha ng bagong trabaho dahil sa dumami na noon ang kumpetisyon. Mas bata at mas mahusay sa kanya. Nanatili pa siya noon sa Middle East ng ilang taon kahit walang regular na trabaho. Manaka-naka lamang siyang maka-ekstra sa mga kakilala na tumutulong naman sa kaniya.

At nang dumating nga ang hindi inaasahan, hindi sila handa. Nagkasakit ang kanyang panganay na anak na babae. Mahal ang mga gamot. Lumubha ang kalagayan. Wala siyang magawa.

At nang makauwi nga si Edgar ay para ilibing ang panganay. Punong-puno siya nang pagsisisi.

Taon na ang nakaraan mula noon. Sa kasalukuyan ay naghahanap-buhay siya bilang isang driver ng bus. Halos pitong taon na siya sa kompanya ng bus na iyon. Limampu't isang taon na siya.

Matunog ang bali-balitang ipapatupad na ang bagong polisiya ng kumpanya kung saan ang mga may edad na higit sa limampu ay kailangan nang magretiro. May matatanggap naman siyang halaga kapag umalis na siya.

"La la la la, la la la la la la la..."

.......

Sa isang outlet ng 7-11 sa bayan ng Nasugbu, nakaparada ang motorsiklo ni Terrence. Halos nalibot na niya ang buong bayan ngunit di pa rin niya matunton si Angie. Inisa-isa na niya ang mga hotel at resorts na maaari nitong pagpalipasan ng gabi ngunit bigo siya.

"May Globe sim card ba kayo?" Tanong ni terrence sa kahero ng tindahan.

"Wala po, Smart lang."

"Wala namang kwenta ang Smart ngayon, hindi maka-kumekta."

"Ahm, simula po bukas makaka-kontak na po ang Smart, bagong sistema na po ang gagamitin, mas mabilis."

"Ngayon ko kasi kailangan, eh emergency."

"Ah ganun ba."

Nagtungo si Terrence sa may papalabas nang biglang magsimulang pumatak ang ulan. Minabuti niyang bumalik sa loob at bumili ng Red Horse beer.

.......

"Hindi ko alam na marunong ka palang magluto." Nagtatakang pinanood ni Raimund si Alice habang naghihiwa ito ng mga gulay.

"Haha, pinag-aralan ko talaga ito para sa 'yo." tugon naman ni Alice.

Habang pinagmamasdan ni Raimund ang nobya ay naisip niyang maswerte din siya kay Alice.

Maganda, malambing, maalalahanin, sweet, at lahat-lahat na!

"Anong iniisip mo? Bakit mo ako tinititigan?"

"Wala, naalala ko lang bakit ako napadpad rito."

"Well, nalimutan mo na ba na matagal na natin pinaplano ang magbakasyon dito? And gusto ka rin ma-meet nina Mom. First time naging interesado sila sa isang bagay na tungkol sa akin. Tapos aalis din pala sila."

"No, hindi ko naman nakalimutan 'yon."

"Good. Mabuti kung ganoon."

"I mean Alice, something weird happened last May 1, right after our date in Tagaytay."

"Yeah, weird talaga, kase, imbes na gumising ka nang maaga, anong ginawa mo? Naglasing ka! Well, don't worry about it. You're forgiven."

"Nope, not that. Di mo pa alam bakit I even drank myself to sleep that night."

"Huh? What, why, tell me!" Napataas ng kilay si Alice.

"Well, it's because of a message..."

Napatigil si Alice sa pagbabalat ng carrots ng di sinasadya ay mahiwa ang balat ng daliri nito.

Shit.

...


May 6, hatinggabi pa

"That's the stupidest thing I have ever heard." sambit ni Alice habang ibinababad ang daliri na nahiwa sa isang bowl ng yelo.

"Well, it's true, I was just curious kung bakit nangyari yun. Ayaw mo bang basahin?" inalalayan ni Raimund ang kasintahan.

"Hindi na, parasaan pa? My point is, why even bring it up? We're doing well now aren't we?" pilit itinago ni Alice ang kaba, alam niyang kaya niyang unahan ng galit si Raimund, kaysa matuklasan nito na mayroon din siyang ganoong mensahe.

"Yes, alam ko. " ang naisagot na lamang ng binata.

"Aren't you thankful na imposible nang magkatotoo yang weird na message na yan."kahit bahagya mang may kuryusidad sa dalaga, hindi nya ito kayang isugal.

"You're right I'm sorry. Dapat nga siguro maging thankful ako."

"Promise me you won't ruin the night?"yumakap si Alice sa nobyo.

"Yeah, sure." otomatiko ang pagsagot ni Raimund, at napuna niya ang sarili.

Sa labas ng bintana ay tanaw nila ang pagbuhos ng malakas na ulan.

'Kamusta na kaya si Angie?' napabulong sa sarili si Raimund.

Napataas ng kilay si Alice.

Shit. . .


....
WS# 26

May 7, 1 am

"Manong, ala ba kayong balak umuwi?" Tanong ni Angie sa kakatapos lamang mag-concert na si Edgar na noo'y naupo na sa bangko katabi niya. Hinugot na noon ng may-ari ng tindahan ang kurdon ng videoke mula sa saksakan nito at unti-unti nang mag-ayos ng paninda.

"Ako ang first trip, neneng." wika ng sisinghap-singhap na driver.

"Hala, kelangan n'yo ho munang itulog 'yan masyadong delikado."

"Delikado? Bah, kung oras ko na oras ko na hindi ba? hehe... "

"Eh paano naman ho yung mga pasahero ninyo? Kayo talaga, eh tsaka po sigurado po akong nag-aalala na rin ang pamilya ninyo..."

" 'Wag kang mag-alala, wala akong pasahero mamaya, hehe, solo trip baga."

"Ang gulo niyong kausap, kung ako sa inyo, matulog muna kayo para kahit papaano, mabawasan naman 'yang kalasingan niyo."

"Ah? eh, concerned ka sa akin ineng? Eh, ikaw, kadalaga mong tao, anong ginagawa mo dito sa terminal, sa dis-oras ng gabi? Sa ganitong panahon? Alam mo bang sigal no. 3 ngayon? At anong naisipan mo't nakikipag-usap ka sa lasing? Ha? Sa iyo marahil, may mag-aalala, sa akin, anong magbabago sa mundo pag ako nang nawala? Mas maayos pa siguro ang planetang ito."

Gustong sumagot ni Angie nang "Pareho lang po tayo." pero hindi niya ginawa, kundi, "Hay naku, daig ko pang me kausap na Ermitanyo. Matulog na kayo Manong, wala pala kayong sense kausap."

"Para ka palang si Dana. Kasing edad mo na siguro siya ngayon."

"Anak n'yo po?"

"Matagal ko na siyang hindi nakikita eh."

"Bakit naman? Naglayas po ba? Bakit hindi n'yo hanapin? "

"Ah, mamaya nga pupuntahan ko."

"Ah ganoon po ba? Naku, baka maasar lang sa inyo 'yun kung lasing kayo magpapakita."

"Oo nga, iidlip muna ko sa Bus ko. Ikaw paano ka uuwi? Mamaya pang byahe baka abutin ng tanghali. Tsaka bihira ang bibyahe ngayon dahil bagyo. Mga desperadong driver lang ang susugal sa ganyang panahon. Mala ka bang kaibigan dito sa Nasugbu?"

"Wala maski isa."

"Kung may masasakyan kang bus, sakyan mo yung sa ibang bus, sirain kase itong sa akin, laging tumitirik."

"Hahaha, siniraan ang sariling bus. Wag kayong mag-alala, hindi po ako sa inyo sasakay, takot ko na lang, Manong lasing."

"Edgar, edgar ang pangalan ko. Maiwan na muna kita jan ha, hindi naman kita pwedeng patulugin sa bus ko."

"Ahm, Okey po, Mang Edgar, salamat sa concert. Angie po ako."

Nagtungo ang matandang driver sa kanyang sasakyan para umidlip muna bago bumiyahe. Payapa ang kalooban at sigurado na sa gagawin. Alam niyang may edad na rin s'ya at ang kanyang naisip na lamang ang paraan upang kahit papaano'y may maiwang sapat na halaga sa kanyang pinakamamahal na asawa at anak. Mas malaki ang makukuha niyang benepisyo kung mamamatay siya sa aksidente. Bago mag Alas-singko, ang huling first trip sa buhay ni Mang Edgar ay nakatakda nang maganap.

......
posted by ryan general at 10:03 0 comments