ryumatic expressions

Sabado, Abril 25, 2009

Si Sally at ang teoryang "You and me against the world"



Hating gabi na nang makauwi si Bardagol.

May malaking sugat siya sa kaliwang braso ngunit hindi niya ito gaano iniinda. Ang bahagyang pagpatak ng kanyang dugo ay hindi kailanman naging problema sa kanya. Pero may malaking tastas ang damit niyang bagong tahi.

Mas mabuti rin kung nakapag-ingat s'ya ngayong gabi. Hindi na siya katulad ng dati. At ang panahon ay hindi na rin katulad noon. Noo'y mas malakas siya at maliksi. Mas matapang, mas matatag. Mas kinatatakutan.

Ngayo'y mas mabangis ang lansangan. Mas mabangis pa sa kanya. Isa ito sa mga araw na naiisip n'yang tama siguro ang asawa niya. Dapat na niyang magbago ng trabaho. Tutal, noon pa niya balak mangibang lugar. Dangan nga lamang at ika-anim na buwan na ng pagdadalangtao ni Sally.

Dahan-dahan ang pagbukas n'ya ng pinto at paghakbang. Baka mamantsahan ang bagong palit na carpet. Ayaw n'ya ding magising pa ang asawa, masyado nang lumilimit ang mga pag-aaway nila.

Halos gabi-gabi ay paulit-ulit ang eksena:

"Kailan mo ba ako pakikinggan? Kelan ka ba matatauhan? Walang mangyayari d'yan sa ginagawa mo! Maghanap ka lang ng matinong trabaho!"

Alam na ni Bardagol ang sasalubong sa kanya. Kasunod nito ang litanya ng mga gastos at bayarin:

"Naniningil na ang kuryente, telepono at ang upa sa bahay ay 'di pa rin bayad...."

Minsa'y nagbabanta rin ito na umuwi na lamang sa kanila.

"Kung alam ko lang na aabot tayo sa ganito! Nakinig na lang sana ako kina Mama!"

Pero ano bang gagawin n'ya? Kahit ano pa mang gawing pagkumbinsi sa sarili ay hindi n'ya pa rin magawang magpalit ng hanapbuhay.

Lagi niyang naiisip na balang araw ay gaganda rin ang buhay nila. Bawat araw niya ng paglabas sa kalsada ay may kalakip na pag-asang "Ito na ang araw na pinakahihintay ko." At sa totoo nama'y may mga araw na sadyang halos abot kamay na n'ya ang pangarap. Sadya lamang may mga sagabal talaga sa pag-unlad.
.........

Marahan din ang pagbukas niya ng ref. Para bang sa ganoong paraan ay himalang magkakalaman ito. Tubig at yelo pa rin. Sa ibabaw ay may ilang pakete ng noodles. At pareho silang nasusuka sa noodles. Hindi sila sanay sa ganitong pagkain. Iba ang kinalakihan nila.

Ipinangako pa naman niya noong umaga, bago siya umalis ay mag-uuwi siya ng madami-daming pagkain.

Naalala naman n'ya ito pero, sa kasamaang palad, dumating na naman ang kanyang sagabal. At lahat ng kinita niya noong araw na iyon ay nauwi na naman sa wala.
Habang naglalakad nga n'ya sa pag-uwi ay naririnig na n'ya sa tenga ang sasabihin ng asawa. At alam naman n'yang may punto ito.

...........
Marahan din ang pagbukas n'ya ng kwarto. Isang munting silid na may konting gamit. Bukas ang nag-iisang bintana na walang kurtina. Sa liwanag ng bwan, ay aninag ni Bardagol ang naka-upong asawa.

"Hwag mong sabihin, si Malvar na naman..." ngayo'y malumanay na bungad ni Sally.

" Bakit gising ka pa Hon, hatinggabi na.."

"God, Brian, maawa ka naman sa atin, sa sarili mo..." kita ni Sally ang punit na damit at bakas ng sugat na humilom na.

"Naka-tiyempo lamang siya sa akin ngayon, wala ito. Wag kang mag-alala masyado, delikado sa baby..."

"Anong gusto mong gawin ko? Magtatalon sa tuwa tuwing uuwi ka ng ganyan? Harapin mo na ang katotohanan Brian, malabo nang mangyari ang mga pangarap mo. Iba na ang panahon ngayon. Minsan naiiisip ko tuloy na makasarili ka. "

"Para sa atin ang ginagawa ko. Di ba't noon ay kasama kita sa pagbuo ng pangarap na ito. Ano nang nangyari sa 'you and me against the world'?"

"Noon 'yon Brian, wala pang Malvar noon."

"Maaga ka kasing nawalan ng pag-asa."

"Hindi. Maaga lang akong natauhan."

"Tingnan mo nga ako Sally at sabihin mo sa aking hindi ako isinilang para gawin ang ginagawa ko?"

"Isinilang ka para mahalin ko at mahalin ako Brian, wala nang iba, ikaw pa rin ang dating Brian na nakilala ko noon."

Kumikislap sa bahagyang liwanag ang kaliskis ng kulay berdeng balat ni Brian. Ang mga naghahabaang mga kuko ay tanaw din sa di kalayuan. Manaka-naka'y lumalabas ang kanyang mahabang dila, isang mannerism na 'di na n'ya maialis.

Malalaki ang mga braso at halos dalawang dipa ang dibdib kung saan may manaka-nakang paglitaw ng mga ugat. Kumakampay naman ng bahagya ang mahaba nitong buntot. May mga marka rin ng mga sugat na humilom sa pang-araw araw na pakikidigma laban sa mga tinatawag na "kampon ng hustisya" tulad ni Kapitan Malvar.

"Isinilang din ako upang maging halimaw sa paningin nila, Sally. At iyon ay pagtanggap lamang kung sino ako." Nanlilisik ang mga mata ni Bardagol, ganoon siya kapag mabigat ang loob at nababagabag.

"Alam ko Brian..."

"Tawagin mo ako sa pangalan ko Sally at bigyan mo pa ako ng pagkakataon at bukas na bukas ay ililigpit ko ang Malvar na iyon. Gusto kong maging ligtas ang pamumuhay ng magiging anak natin."

Kita ni Sally, sa mga nakaluwang mapupulang mata ni Bardagol ang lalaking minahal niya ng ilang daang taon. Kita niya ang lalaking madami na ring naisakripisyo. Naisip n'yang sa kabila ng mga sugat, ay hindi pa rin nawawala dito ang mga pangarap nila, noong sila'y magkasintahan pa lamang.

"Huwag muna aking Bardagol, hintayin mo akong makapangitlog at makakasama mo akong muli."

"Tayong dalawa Salamandra?"

"Oo, aking Bardagol, atin ang mundo hangga't kasama kita."

Niyakap ni Bardagol si Salamandra, naglapat ang mga pangil sa bunganga, at nangako sa isa't isa na mananatili sa planetang ito na magkasama habang panahon.

Mga etiketa: , ,

posted by ryan general at 5:47 PM

1 Comments:

kla ko kinokotongan c Bardagol ni Malvar

un pla

un pla

ALIEN CLA!!!

nyahahha

nice.,nice

Abril 27, 2009 nang 11:55 PM  

Mag-post ng isang Komento

<< Home