ryumatic expressions
Sabado, Abril 25, 2009
Si Arnold at ang circle of love and life

Isang araw ay naglalakad si Arnold papunta sa bahay ng girlfriend n'ya nang mabangga ito at mamatay. 17 years old pa lamang sya noon.
Nagreincarnate s'ya at naging isang butiki.
Nang magkaroon ng muwang ay naglakbay s'ya at hinanap ang bahay ng kasintahan. Ilang buwan din bago niya natunton ang bahay ni Kathy at duon siya nanirahan. Bagama't noong una'y nabwubwisit sya sa kinahitnatnan ng kanyang buhay, ay nakapag-adjust na rin ito sa pagiging butiki.
Nasanay na din siya sa pagkain ng mga insekto. Malinamnam pala ang mga iyon at manamis-namis. Naisip niyang baka kahit maging tao siya ulit ay mangain pa rin s'ya ng mga munting kulisap.
Sa loob-loob n'ya'y mas mabuti na iyon kesa maging isang suso, o kaya'y bangaw. At least hindi siya mapipilitang dumapo sa tae. Tulad ni Mr. Almoro, ang principal nila, na ngayon ay isang ipis. Kumbaga, things could've been much worse.
Tutal, ayon sa biology teacher nila, mahaba ang life span ng mga butiki. Maaari s'yang umabot ng 5-10 years.
Kaya araw-araw nga ay walang ginawa si Arnold kundi panoorin ang kanyang minamahal na si Kathy. Alam n'yang nasa puso pa rin s'ya ng dalaga. Ang larawan niya ay naka-display pa rin sa frame sa silid nito, at kapag gabi'y yakap yakap niya ang teddy bear na bigay niya dito. Minsa'y binabanggit din ni Kathy ang pangalan niya sa pagtulog. Maging sa panaginip pala'y di pa rin nawawala si Arnold sa kanya.
Lumipas nga ang mga araw at naging masaya na rin si Arnold sa bagong buhay niya. Masaya siyang pinapanood ang kanyang pag-ibig. Mula sa kisame'y lagi niyang inaabangan ang pag-uwi nito galing sa eskwela.
Isang hapon ay natuwa si Arnold nang makita n'yang muli si Robert, ang kanyang bestfriend. Marahil ay kinakamusta niya si Kathy dahil concerned ito mula noong kaniyang pagkamatay. Matagal na n'ya itong hindi nakikita. Miss na rin niya ang paglalaro nila ng basketball. Pero hindi nagtagal ay may napuna si Arnold nang lumimit ang pagpunta ni Robert sa bahay ni Kathy.
Sa araw-araw na pagbisita ni Robert sa bahay ni Kathy ay unti-unting dumudurog sa munting puso ng kawawang butiki. Nakikita n'yang bagamat may alinlangan si Kathy ay talagang pursigido ang bestfriend n'ya. Naririnig niya ang usapan nila, at mukhang malapit nang makuha ang puso ng dalaga.
"Huwag Kathy Huwag!" gustong isigaw ng munting butiki. Ngunit tila walang paraan para parinig siya nito. Kilala niya ang kaibigan. Palikero ito at kabi-kabila ang nobya. Alam niya na paluluhain niya lamang si Kathy pag nagsawa na s'ya rito at nakuha na ang gusto.
Isang araw nga ay nagtangka pa siyang magnakaw ng halik ng makalingat si Kathy. Ngunit nakaisip ng paraan upang makuha ang atensyon ng mga ito.
"tuk tuk tuk tuk tuk tuk tuk" mabilis na pina-untog ni Arnold ang baba sa kisame.
"tuk tuk tuk tuk tuk tuk tuk- hindi sya tumigil hangga't hindi niya nakuha ang atensyon ng dalawa. Napatayo sa gulat si Kathy. Si Robert nama'y dumampot ng tsinelas.
Mabilis na nagtatakbo si Arnold sa isang butas. Bagama't nanganib ang buhay, natuwa ang munting butiki sa nangyari.
Mula noo'y tuwing dumadalaw si Robert ay pumupwesto ang butiki sa may tapat ng lamesita kung saan ipinapatong ni Kathy ang isine-serve niyang kape. Doon s'ya nagpapakawala ng sama ng loob sa pagpapabagsak ng mga munti niyang bomba. Kulay itim iyon na may puti sa dulo. At minsa'y mukhang nag-eenjoy naman si Robert dahil sa pagpuri nito sa timpla ni Kathy.
...........
Laging nakamatyag si Arnold sa bawat kilos ni Robert. Puna din naman kasi ng butiki na hindi gusto ni Kathy ang kaniyang "bestfriend". At alam niya ang mga istilo ni Robert sa babae kapag di niya ito nadadaan sa suyo.
Dumating ang araw na kinatatakutan ni Arnold ng palihim na may inilagay si Robert na ilang tableta sa juice ng dalaga nang makalingat ito.
Ngunit mabilis na kumilos ang munting butiki. Nang hawakan ng dalaga ang juice ay buong pwersa at todo sipat na tumalon si Arnold sa braso ni Kathy. Napatili si Kathy habang iwinasiwas ang braso. Napahagis si Arnold ngunit natapon din ang juice na may gamot. Nabasag ang baso at kumalat sa sahig ang laman nito. Bakas sa mukha ni Robert sa pagkainis nito sa butiki.
Habang nagtititili si Kathy ay hinabol si Arnold ng balibag ng sari-saring bagay mula kay Robert. Tsinelas, notebook, remote control, throw pillow at kung anu-ano pa. Ngunit maliksi parin ang magiting na butiki at nakaligtas siya noong araw na iyon. Pero, as mahalaga, sa isip niya, ay nailigtas din niya mula sa kapahamakan si Kathy.
Hindi naman natinag si Robert, lalo pa nga nitong nilimitan ang pagbisita kay Kathy. Si Arnold naman ay mas dinamihan pa ang pag-ipot sa kape, softdrinks at pagkain ni Robert.
At sa inaasahan nga ng munting butiki ay dumalang na ang pagdalaw ni Robert. Dinig niya sa pag-uusap nina Kathy sa telepono, ay napalimit naman ang pagpunta ng binata sa hospital.
Hanggang sa mamatay nga si Robert dahil sa nakuhang Salmonella sa dumi ni Arnold.
Nalaman ni Arnold na namatay na ang binata nang makita niya si Kathy na humahagulgol sa kwarto. At Nagsisisigaw.
"Kinuha N'yo na nga sa akin si Arnold, pati ba naman si Robert? Lahat ba ng magmamahal sa akin ay kukunin N'yo na rin....?"
Nagimbal man si Arnold sa narinig kay Kathy ay naunawaan din niya ito. Malungkot ang dati n'yang nobya at kahit papaano ay napaligaya ito ni Robert.
Ilang araw nga ang lumipas at tila bumabalik na sa normal si Kathy. Nakabuti rin ang pagdalaw ng magulang ng dalaga mula sa probinsya ng isang linggo.
...........
Isang araw ay nagulantang si Arnold sa pagtili ng dalaga. Halatang tuwang tuwa ito.
Mula sa labas ng pintuan ay may dinampot si Kathy. "Sino kayang walang puso ang nag-iwan sa kuting na ito sa labas ng bahay ko? Hayaan mo kitty, akong bahala sa 'yo, aalagaan kitang mabuti" Sabay yakap ni Kathy sa munting pusa. "Ano kayang magandang pangalan?"
Tuwang tuwa din ng oras na iyon ang munting kuting habang tinatanaw ang nakadungaw sa pagkakakubling si Arnold sa di kalayuan.
Si Arnold naman ay nananalangin na noon.
Mga etiketa: fiction, maikling kwento, short story
Si Sally at ang teoryang "You and me against the world"

Hating gabi na nang makauwi si Bardagol.
May malaking sugat siya sa kaliwang braso ngunit hindi niya ito gaano iniinda. Ang bahagyang pagpatak ng kanyang dugo ay hindi kailanman naging problema sa kanya. Pero may malaking tastas ang damit niyang bagong tahi.
Mas mabuti rin kung nakapag-ingat s'ya ngayong gabi. Hindi na siya katulad ng dati. At ang panahon ay hindi na rin katulad noon. Noo'y mas malakas siya at maliksi. Mas matapang, mas matatag. Mas kinatatakutan.
Ngayo'y mas mabangis ang lansangan. Mas mabangis pa sa kanya. Isa ito sa mga araw na naiisip n'yang tama siguro ang asawa niya. Dapat na niyang magbago ng trabaho. Tutal, noon pa niya balak mangibang lugar. Dangan nga lamang at ika-anim na buwan na ng pagdadalangtao ni Sally.
Dahan-dahan ang pagbukas n'ya ng pinto at paghakbang. Baka mamantsahan ang bagong palit na carpet. Ayaw n'ya ding magising pa ang asawa, masyado nang lumilimit ang mga pag-aaway nila.
Halos gabi-gabi ay paulit-ulit ang eksena:
"Kailan mo ba ako pakikinggan? Kelan ka ba matatauhan? Walang mangyayari d'yan sa ginagawa mo! Maghanap ka lang ng matinong trabaho!"
Alam na ni Bardagol ang sasalubong sa kanya. Kasunod nito ang litanya ng mga gastos at bayarin:
"Naniningil na ang kuryente, telepono at ang upa sa bahay ay 'di pa rin bayad...."
Minsa'y nagbabanta rin ito na umuwi na lamang sa kanila.
"Kung alam ko lang na aabot tayo sa ganito! Nakinig na lang sana ako kina Mama!"
Pero ano bang gagawin n'ya? Kahit ano pa mang gawing pagkumbinsi sa sarili ay hindi n'ya pa rin magawang magpalit ng hanapbuhay.
Lagi niyang naiisip na balang araw ay gaganda rin ang buhay nila. Bawat araw niya ng paglabas sa kalsada ay may kalakip na pag-asang "Ito na ang araw na pinakahihintay ko." At sa totoo nama'y may mga araw na sadyang halos abot kamay na n'ya ang pangarap. Sadya lamang may mga sagabal talaga sa pag-unlad.
.........
Marahan din ang pagbukas niya ng ref. Para bang sa ganoong paraan ay himalang magkakalaman ito. Tubig at yelo pa rin. Sa ibabaw ay may ilang pakete ng noodles. At pareho silang nasusuka sa noodles. Hindi sila sanay sa ganitong pagkain. Iba ang kinalakihan nila.
Ipinangako pa naman niya noong umaga, bago siya umalis ay mag-uuwi siya ng madami-daming pagkain.
Naalala naman n'ya ito pero, sa kasamaang palad, dumating na naman ang kanyang sagabal. At lahat ng kinita niya noong araw na iyon ay nauwi na naman sa wala.
Habang naglalakad nga n'ya sa pag-uwi ay naririnig na n'ya sa tenga ang sasabihin ng asawa. At alam naman n'yang may punto ito.
...........
Marahan din ang pagbukas n'ya ng kwarto. Isang munting silid na may konting gamit. Bukas ang nag-iisang bintana na walang kurtina. Sa liwanag ng bwan, ay aninag ni Bardagol ang naka-upong asawa.
"Hwag mong sabihin, si Malvar na naman..." ngayo'y malumanay na bungad ni Sally.
" Bakit gising ka pa Hon, hatinggabi na.."
"God, Brian, maawa ka naman sa atin, sa sarili mo..." kita ni Sally ang punit na damit at bakas ng sugat na humilom na.
"Naka-tiyempo lamang siya sa akin ngayon, wala ito. Wag kang mag-alala masyado, delikado sa baby..."
"Anong gusto mong gawin ko? Magtatalon sa tuwa tuwing uuwi ka ng ganyan? Harapin mo na ang katotohanan Brian, malabo nang mangyari ang mga pangarap mo. Iba na ang panahon ngayon. Minsan naiiisip ko tuloy na makasarili ka. "
"Para sa atin ang ginagawa ko. Di ba't noon ay kasama kita sa pagbuo ng pangarap na ito. Ano nang nangyari sa 'you and me against the world'?"
"Noon 'yon Brian, wala pang Malvar noon."
"Maaga ka kasing nawalan ng pag-asa."
"Hindi. Maaga lang akong natauhan."
"Tingnan mo nga ako Sally at sabihin mo sa aking hindi ako isinilang para gawin ang ginagawa ko?"
"Isinilang ka para mahalin ko at mahalin ako Brian, wala nang iba, ikaw pa rin ang dating Brian na nakilala ko noon."
Kumikislap sa bahagyang liwanag ang kaliskis ng kulay berdeng balat ni Brian. Ang mga naghahabaang mga kuko ay tanaw din sa di kalayuan. Manaka-naka'y lumalabas ang kanyang mahabang dila, isang mannerism na 'di na n'ya maialis.
Malalaki ang mga braso at halos dalawang dipa ang dibdib kung saan may manaka-nakang paglitaw ng mga ugat. Kumakampay naman ng bahagya ang mahaba nitong buntot. May mga marka rin ng mga sugat na humilom sa pang-araw araw na pakikidigma laban sa mga tinatawag na "kampon ng hustisya" tulad ni Kapitan Malvar.
"Isinilang din ako upang maging halimaw sa paningin nila, Sally. At iyon ay pagtanggap lamang kung sino ako." Nanlilisik ang mga mata ni Bardagol, ganoon siya kapag mabigat ang loob at nababagabag.
"Alam ko Brian..."
"Tawagin mo ako sa pangalan ko Sally at bigyan mo pa ako ng pagkakataon at bukas na bukas ay ililigpit ko ang Malvar na iyon. Gusto kong maging ligtas ang pamumuhay ng magiging anak natin."
Kita ni Sally, sa mga nakaluwang mapupulang mata ni Bardagol ang lalaking minahal niya ng ilang daang taon. Kita niya ang lalaking madami na ring naisakripisyo. Naisip n'yang sa kabila ng mga sugat, ay hindi pa rin nawawala dito ang mga pangarap nila, noong sila'y magkasintahan pa lamang.
"Huwag muna aking Bardagol, hintayin mo akong makapangitlog at makakasama mo akong muli."
"Tayong dalawa Salamandra?"
"Oo, aking Bardagol, atin ang mundo hangga't kasama kita."
Niyakap ni Bardagol si Salamandra, naglapat ang mga pangil sa bunganga, at nangako sa isa't isa na mananatili sa planetang ito na magkasama habang panahon.
Mga etiketa: fiction, maikling kwento, short story
si april at ang helmet ng pag-ibig

exam na naman bukas. siguradong babagsak ako. pwera sa Epizootiology kase tropa ko ang prof, pero alam kong babagsak ako. ilang gabi na akong puyat at ngayon ay magpupuyat na naman ako. kailangan ko kasing samahan si april tuwing gabi. s'ya ang aking one and only. at wala nang ibang makapag-hihiwalay sa amin.
mag-isa lang ako sa boarding house dati. at sinasanay ko pa ngayon ang sarili ko na may kasama. at matulog ng naka-helmet.
pagkatapos ko ng huling klase, nagising ako sa tunog ng bell. uwian na pala. hindi pala ako nagising sa eraser na ibinato sa akin ng prof kanina. hindi ko tuloy napansin agad na may chalk ako sa mukha at buhok. hay, kamusta na kaya si april, gising na siguro yun? miss ko na agad sya.
dati kaming magkaklase ni april. pero nung una'y hindi n'ya ako pinapansin. iba kase ang crowd n'ya. kahit pareho kaming vet med ang kurso, hindi kami nagpapansinan. kahit hindi naman ako nahihiyang ipakita na may gusto ako sa kanya.
s'ya yung tipo ng babae na bumabasag ng mga tipikal. maganda, matalino, at lahat-lahat na. maraming nagkakandarapa sa kanya, kahit sobrang suplada s'ya, marami pa rin ang nagtatangka, pero noo'y isa palang ang nakakapagpasagot sa kanya, yung tukmol na si derek. sya yung heartrob sa school, pero ngayon wala na sila. kaya nga masasabi kong swerte ako sa lahat.
simple lang ako. hindi gwapo, hindi talentado, madalang maligo, hehe. pero meron kasi kaming hilig pareho ni april eh, yung sobrang pursigido sa ginagawa. yung ang naging simula, nang sa tingin ko'y habambuhay naming pagsasama.
naging lab partner kami ni april, nitong umpisa ng semestre nang biglang mapatigil sa pag-aaral ang partner n'ya. tinubuan kasi ito ng kulani kung saan saang parte ng mukha. kahit hindi kami gaanong nag-uusap at palaging nakatakip palagi ang facemask n'ya kahit hindi kailangan, naisasa-ayos naman namin ni april ang aming mga proyekto. at gawain sa lab. kalimitan nga'y kahit kami na lang dalawa ni april ang naiiwan sa lab, ay pursigido pa rin siya.
isa sa proyekto naming dalawa ay pagtuklas ng isang mahusay na gamot na magbibigay pampakalma sa mga hayop. mula din ang gamot sa iba't ibang uri ng hayop at hinaluan ng konting scopolamine. sa tingin ko'y malapit na namin makumpleto ang tamang pormula. so far, ang mga test subjects ay kinakikitaan ng improvements. yung una kasi naming subok sa paghalo ng scopolamine sa gamot, ay may kakatwang resulta. yung mga daga ay mistulang zombie, nanamumula ng mata at nanunuyong balat, nagkaka-gatan pa ang mga ito ng ulo, hanggang sa makain ang utak. may natira pa nga akong isang zombie rat na nakakulong. ang matinis na pag-angil nito, ay aakalain mong, munting tigre na nakakahon.
isang gabi nang pagpapakuspakus para matapos ang isang activity, may kakaiba akong napuna kay april. iba ang ikinikilos nya at parang di s'ya mapakali. pag pasok pa lang n'ya ng lab ay nagdadabog na ito.
"shit shit shit..." maya't maya'y bulong ni april. ako naman noon ay hindi makapag-concentrate sa ginagawa ko.
"tang-ina talaga bad trip!"ako naman ay kalmado lang noon, alam ko naman na hindi ako ang kausap nya.
"demonyo demonyo demonyo!!!" sabay hampas ng mga libro n'ya sa lab table.
hindi sana ako mag-rereact, kung hindi n'ya tinamaan ang ilang hilera ko ng mga test tubes at nagbagsakan ang mga laman nito at nabasag ang ilan.
"nakupo ang project natin..." ang sabi ko lang naman, ni hindi nga ako sumigaw eh.
"pakelam ko dyan sa pesteng project na yan. dahil d'yan, sinayang ko ang oras ko! bwiset!"
"sinayang ? eh pareho nating project to?" sagot ko naman, tutal pareho naman kaming naghirap dito.
"tang-ina, kung hindi ako nagkukulong dito, sa mabahong lab na to, kasama yang mga zombie mong daga na kamukha mo, hindi sana ako na-ahas ng popok na iyon. bwiset. minahal ko si derek. mga demonyo!" binalibag pa ni april ang tray ng mga gamit sa mesa.
at yung ibang papel ng reports at mga analysis ay natapunan ng ilang likido.
"april, ..." wala akong masabi noong mga oras na iyon, halos sumabog ang dibdib ko sa pagpipigil.
si april naman ay tila lalong nagwala.
"puro ka project, " panlilibak nya sa akin " eto ba ha? eto bang pinagsayangan ko ng panahon?" sabay hagis ng mga experimental compounds na gawa namin. hindi ko na matiis noon ang sarili ko. lalo nang tinangka nyang abutin ang huling bote ng chemical.
ako nang umagaw noon. nagwawala na si april, at kailangang may gawin ako. kinuha ko ang hiringilya, at pinuno ko iyon ng gamot.
"patawad april" sabay sugod sa kanya.
sumirit ang dugo sa braso nya sa pagpalag.
pero mabilis umepekto ang gamot. unti-unti syang kumalma.
sa cabinet ng mga gamot para sa hayop nakita ko ang scopolamine, isang uri ng gamot na maraming nilulunasan kabilang na ang pagkahilo. masama daw ito pag napalabis.
agad ko s'yang binigyan ng gamot. ilang saglit lang ay nakita ko agad ang reaksyon ng gamot. niyakap ko s'ya at kinantahan nang maramdaman kong nanginginig sya.
"wag kang mag-alala, april, di ka na nila magugulo pa." mula noo'y pinangako kong aalagaan ko na sya.
.....................
nakapamalengke na ako nang dumating ako sa boarding house. sa labas pa lang ay rinig ko na ang pag-angil ni april. dapat pala ay tinatakpan ko ang bibig para di marinig ng kapitbahay. sigro'y gutom na siya.
dalawang kilong baboy ang binili ko ngayon, para kahit hanggang umaga ay may makakain sya. inilagay ko ang isang supot na karne at lamang loob sa isang palanggana at dinala sa kwarto.
"haaaarrrrrrrrhaaaaaaaaaaaarrrrrr" bati sa akin ni april. kalmado na sya ngayon.
noong una una kasi, ay kinakalmot kalmot pa nya ako. kaya naman nakagapos muna sya ngayon.
kinalagan ko ang braso nya at inihain sa lapag ang palanggana. at habang pinapanood siyang lantakan ang hilaw na baboy ay halos mangilid ang luha ko.
bukod sa konting ipinagbago ni april bunga ng gamot, gaya ng dilaw na nanunuyong balat, pulang mata, nanlulugong buhok, siya pa rin ang magandang si april na ngayo'y napamahal na sa akin.
hangga't mahal niya ako't mahal ko siya, sa tingin ko'y wala nang makapaghihiwalay, sa aming dalawa.
Mga etiketa: fiction, maikling kwento, short story